ni Dave M. Veridiano, E.E.
ILANG araw ko na ring pilit dinadalumat ang hiwagang bumabalot sa pagdukot ng mga armadong lalaki sa isang pulis sa mismong presinto nito sa may Binondo, Maynila dahil napakahirap paniwalaang pawang nagkataon lamang ang ilang nakadududang sitwasyon sa lugar bago naganap ang pagkidnap.
Mantakin n’yo naman, ang biktimang pulis na si Corporal Allan Hilario, sa araw na iyon ay biglang inilagay sa naturang presinto na walang kasama na dapat ay ka-body niya, kaya’t mag-isa lamang siya nang dumating ang mga suspek na tumangay sa kanya. Solo lang siya sa loob ng istasyon – na ‘di naman niya talagang assignment, pero tinauhan niya dahil may nag-utos sa kanya na doon mag-duty pansamantala. Mahirap paniwalaan natiyempuhan lang siya na nag-iisa, pakiramdam ko ay sinadya na wala siyang makasama rito para walang ibang madamay sa naturang “operation”!
Ang matindi -- may ilang oras na rin siyang nawawala pero ni isang kasama niyang opisyal sa Manila Police District (MPD) Station – 11, ang presintong nakasasakop sa San Nicolas Police Community Precinct (PCP) ay wala pa ring kamalay-malay sa naganap na krimen. Iyon ay kahit na maraming tao sa lugar na sakop pa rin ng tinatawag nating Chinatown – palaging busy maging sa hatinggabi -- kaya’t napaka-imposibleng walang nakasagap agad sa naganap na kidnapping upang maka-responde ang mga kabaro ni Cpl. Hilario sa pagtangay sa kanya.
Naman…anyare sa mga supervisor na “foot patrol” na ang tanging trabaho ay mag-ikot para bantayan kung nagta-trabaho o naglalakwatsa lang ang kanilang mga operatiba na gaya ni Cpl. Hilario. Natutulog lang ba sila sa pansitan, nagbibingi-bingihan lang, o ‘di kaya naman’y nagbubulag-bulagan…na alam nilang may mangyayari at nangyari pero kailangan nilang manahimik muna para sa sarili nilang kapakanan.
Sa ulat na nakarating kay MPD Director Brig. General Leo Francisco ganito ang nangyari. Apat hanggang lima ang mga armadong lalaki ang dumukot kay Hilario noong Huwebes bandang 2:05 ng hapon sa mismong outpost (tent) ng PCP sa panulukan ng kalye San Fernando at Sto. Cristo sa Binondo. Sa puting Isuzu Crosswind (XYF -188) at maroon Honda City (NCV-9054) nagsibaba ang mga suspek.
Pagpasok sa tent ay agad tinutukan ng mga ito si Hilario ng armas nilang may matataas na kalibreng baril. Mula sa pagkakaupo ay kinaladkad nila si Hilario patungo sa kanilang get-away vehicles na pinaharurot sa direksiyon ng Jaboneros Street na nasa Chinatown din.
May footage sa mga CCTV sa lugar na makikitang bago umalis ang mga suspek ay waring may hinahanap pa ang mga ito sa mga nakaparadang motorsiklo ni Hilario sa harapan ng PCP. Walang nakamukha sa mga suspek dahil pawang nakasuot ng mga itim na bonnet, itim na jacket, itim na pantalon, itim na gloves at sapatos ang mga ito. Walastik naman naka-terno pa man din ang grupo sa kanilang “kidnapping” operation!
Ayon sa mga kamag-anak ni Hilario wala namang nakakaaway ito sa kanilang lugar at lalo na sa serbisyo. Malinis ang record nito maliban sa reprimand niyang nakuha dahil sa hindi pag-attend sa isang seminar.
Ang nakapagtataka rito ay kung bakit sa mismong araw na dukutin si Hilario ay bigla itong nabigyan ng assignment – sa desk kasi mismo ng MPD-Station 11 sa Chinatown siya nagdyu-duty -- sa isang PCP na ang dapat na duty officer ay bigla ring nag day-off, at wala pang ka-body na ibinigay sa kanya. Bukod pa rito nasaan naman ‘yung ibang mga parak na nakatalaga sa PCP na ito? Teka muna, sa palagay ba ninyo nagkataon lang ito?
Pinag-isip ako nang malalim sa anggulo na may hinahanap ang mga suspek bago umalis. Sa palagay ko’y may malaking halaga na kaugnay sa pangyayaring ito, lalo pa’t nangyari ito sa CHINATOWN -- sa lugar na palaging may malaking halaga na involve sa bawat krimeng nagaganap, na kadalasang sanhi nang pananahimik ng mga pulis na nag-iimbestiga sa krimen.
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]