ni Ric Valmonte
“GINOONG Pangulo, basahin ninyo ang 1987 Constitution. May kinalaman din ang senador sa international agreements,” wika ni Senador Ping Lacson. Aniya, itinatadhana ng Section 12, Article 7 ng Konstitusyon na lahat ng treaty at international agreement ay hindi magiging epektibo kung hindi kakatigan ng two-thirds ng lahat ng kasapian ng Senado. Binanggit din niya na ang two-thirds ding ito, kabilang siya, ay kailangang magratipika para putulin ang kasunduan. Kaya, may kinalaman ang mga senador sa banta ng Pangulo na wakasan ang Visiting Forces Agreement (VFA) kung hindi magbabayad ang Amerika. Ito ang naging reaksyon ng Senador sa pahayag ni Pangulong Duterte sa kanyang televised speech nitong nakaraang Lunes ng gabi na ang mga Senador ay walang tungkulin hinggil sa mga pandaigdigang kasunduan. Nasa kapangyarihan, aniya, ng Pangulo at hindi kailangan ang pag-ayon ng Kongreso. Kasi, nagtweet ang Senador bilang kanyang puna sa hinihingi nitong $16 billion bilang military aid sa America para ipagpatuloy niya ang VFA. Pahayag ng Senador: “Dear Sam. . Para lang sa ikalilinaw, nais kong ipaalam na hindi kami bansa ng mga extortionists; higit sa lahat, hindi kami sakim. Err . . . hindi lahat.”
Ito rin ang ikinagalit ng Pangulo nang sabihin ni Vice-President Leni Robredo na ang sinabi ng Pangulo ay baka maipagpalagay na ito ay extortion. Sa kanyang lingguhang programa sa radyo, sinabi ni VP Robredo na: “Nakakahiya. Para itong extortion. Para tayong manananso, kung gusto mo ito, magbayad ka.” Pero, ayon sa Pangulo, paano naging extortion ang kanyang ginagawa eh naniningil lang ng utang para sa bansa? Ang Pilipinas ay kailangan may mga armas upang malagay ito sa patas sa ibang mga bansa. Ginagawa na, aniya, ng Amerika ang Subic na kanyang base. Ginagawa na nitong military outpost ang Pilipinas at kapag ito ay nakipagdigmaan, makakaladkad ang bansa sa gulo at ang Palawan ang mauuna. Totoo ang sinabi ng Pangulo na ang polisiyang panlabas ay kapangyarihang ibinibigay sa kanya ng Saligang Batas. Ang problema, ginagawa lang niyang ordinaryong bagay ito. Bakit hindi mo nga masasabing extortion ang paghingi ng salapi bilang kapalit ng VFA, eh noong una, ginamit niya ang VFA sa ibang paraan. Ipagpatuloy lang niya ang VFA kung bibigyan ng Amerika ang Pilipinas ng kung ilan doses ng pangbakuna na gawa ng Pfizer. Hindi naman pag-aari ng U.S. government ang Pfizer. Hindi tulad sa China, na ang lahat ng kompanya kabilang ang mga gumagawa ng medisinang pangbakuna ay pag-aari nito. Sa paniningil ng Pangulo sa Amerika sa umano ay malaking utang nito, nakikita niya ang ginagawa nito sa bansa na pwedeng makaladkad ang Pilipinas sa gulo kapag nakipagdigmaan ito. Pero, iyong ginagawa ng China sa Pilipinas, hindi ba rin ganito ang magiging epekto nito. Kapag sumabak na rin ang China sa labanan, sa ayaw at gusto ni Pangulong Dutrerte mapapahamak din ang Pilipinas. Kasi, nasa loob ng bansa rin ang kanilang communication facilities. Ang Sangley Point, kung ipagpapatuloy ng LGU Cavite ang kontrata sa pagpapagawa nito na ang pangunahing kontratista ay ang China, ay nasa bungad ng Laguna de Bay, maging ang kontrolado na nilang Remulla Cove. Nasa loob ng bansa ang kanilang mga manggagawa at higit sa lahat, nasa inaari nating teritoryo sa West Philippine Sea ang ginawa nilang isla na ngayon ay paliparan ng mga pandigmang eroplano at imbakan ng armas. Ang mga ito ay sasalakayin at bobombahin ng magiging kalaban ng China. May hiningi na rin ba tayo sa China na military aid para sa magiging perwisyo natin?