ni Dave M. Veridiano, E.E.
HINDI totoo ang balita na ang karne ng baboy na may mababang presyo ay hindi nakararating sa Metro Manila, bagkus tsismis lang ito, at isang paninira ng mga ganid na pork dealer na namihasa sa malaking kita sa kanilang paninda kaya’t ayaw nang magbaba ng presyo kahit lumiit na ang demand matapos ang Kapaskuhan.
Ito ang mariing sagot ng Department of Agriculture (DA) sa nakarating sa kanilang mga reklamo – na umano’y walang nabibiling murang baboy para maibenta rin sa mababang presyo sa kanilang mga puwesto -- ng ilang magbababoy sa mga merkado na kung tawagin nito ay “tertiary market” na mas kilala ng masa sa tawag na talipapa o maliliit na palengkeng pampubliko dito sa Kalakhang Maynila.
“Isang paninira o mga gawa-gawang kuwento lamang iyan ng mga negosyanteng magbababoy na namihasa na mataas palagi ang presyo ng karneng baboy na kanilang ibinebenta, magmula ng magkulang ang supply sa merkado, nang nangamatay ang mga nasa farm sa Luzon dahil sa ASF,” ani Assistant Secretary Noel Reyes, DA Public Information Officer (PIO), sa lingguhang news forum (online) na Balitaan Sa Maynila.
“Last week pa kami (DA) nagde-deliver ng hogs o baboy sa Metro Manila, sa mga major market kasama na rito ang Commonwealth, Muños, Balintawak, at Nepa-Q, ” ani Asec Reyes. “Mas mababa ang presyo rito dahil may subsidy na ang DA sa halaga nito.”
Ang ipinarating ng DA na mas murang karne ng baboy mula sa Mindanao at Visayas ay ang mga karne na naging surplus sa mga lugar na ito noong panahon ng Kapaskuhan.
At dahil bumaba na ang demand sa supply matapos ang mahabang holiday, bumaba na rin ang presyo nito sa Mindanao at Visayas kaya dito na kumuha ang ating pamahalaan para i-supply naman sa Luzon. Pero ang problema, dahil tila nasanay na sa “magandang presyo” ang mga hogs trader dito sa Luzon, lalo na sa Metro Manila – ayaw na ng mga itong sumunod sa itinakdang presyo ng DA.
“One time bigtime, kumita na sila ng malaki -- namihasa sa mataas na presyo kaya ayaw na nilang ibaba ito. What we are saying is, nakinabang na sila, binabalanse natin ang pangangailangan ng nakararami pero ayaw nilang pumayag kaya ganito ang ipinakakalat nilang balita,” ani Asec Reyes.
Sa napabalitang gagawing pork holiday ng mga hogs trader ngayong araw (Monday) dito sa Metro Manila – wala namang makapipigil dito kaya ang payo ni Asec Reyes: “Pork holiday is a threat, pero pwede namang bumili sa ibang source. Punta na lang sa mga supermarket at siguradong mas mura sa kanila!”
Para mapunan umano ang kakulangan sa supply ng baboy, sasagutin na ng DA ang pagbiyahe mula sa mga probinsiya pa-Metro Manila.
Noong nakaraang linggo pinangunahan pa mismo ni Agriculture Secretary William Dar ang sendoff ng mahigit 100 baboy mula Socsargen region papuntang Metro Manila. May ugnayan na rin pati sa mga hog raiser mula Batangas at Iloilo.
Matatandaang nauna nang ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapatupad ng price ceiling sa baboy at manok sa Metro Manila sa loob ng dalawang buwan. Sa ilalim ng Executive Order No. 124, may price cap na P270 ang kada kilo ng kasim and pigue, P300 ang kada kilo ng liempo, at P160 ang kada kilo ng manok. Pero agad na umangal dito ang ilang nagtitinda ng baboy at manok dahil sobrang lugi umano sila sa itinakdang price cap.
“Kami sa industriyang naghihingalo, pinatay na nila... kami ang pinarurusahan na kami ang dapat tulungan,” ani Nicanor Briones, Vice president ng Pork Producers Federation of the Philippines Inc.
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]