ni Bert de Guzman
MAHAL na Araw na. Hinihimok ni dating Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang mga mananampalatayang katoliko na i-devote ang panahon at oras sa pagdarasal, pag-aayuno at pagkakaloob ng limos (alms) o kawanggawa ngayong pandemya na sanhi ng COVID-19.
Sa video message sa Facebook, sinabi ni Tagle na ang 40-araw na obserbasyon ng Mahal na Araw o Lent para sa Simbahang Katoliko, ay pormal na nagsimula sa Miyerkules ng Abo o Ash Wednesday upang paalalahanan ang mga faithful na ang buhay ng tao ay pansamantala kung kaya dapat magkaroon ng pagbabalik-loob o repentance.
Samakatwid, ang buhay ng tao sa mundong ito ay pansamantala at hindi permanente. Lahat ay mawawala sa daigdig at mamamatay. Sa panahon ngayon ng COVID-19 pandemic, napatunayang walang sinasanto ang kamatayan. Ang tao ay mula sa alabok kung kaya sa alabok din siya babalik.
Sinabi ng Commission on Population (PopCom na halos 60 porsiyento ng mga Pilipino ay naniniwalang ang pinakamalaking problema ng kababaihan sa Pilipinas ay ang tinatawag na “teenage pregnancy” o pagbubuntis ng mga batang babae.
Ayon kay PoPCom executive director Juan Antonio Perez, batay sa pambansang survey ng Social Weather Stations (SWS) na ginawa noong Nobyembre 21-25, lumalabas na 59 porsiyento ng mga tumugon sa survey ay nagsabing ang malaking problema ng kababaihan ay maagang pagbubuntis ng mga batang babae.
Pinawalang-sala si Sen. Leila de Lima sa isa sa tatlong kaso sa droga laban sa kanya. Ipinagkaloob ni Judge Liezel Aquiatan ng Muntinlupa City Regional Trial Court (RTC) Branch 205 ang demurrer to evidence ng senadora na nakakulong sa Camp Crame. Katumbas ng demurrer ang pagpapawalang-sala.
Gayunman, si De Lima ay mananatili sa kulungan dahil sa iba pang mga kaso sa droga. Kaugnay nito, tinanggihan ni Aquiatan ang demurrer na inihain ng co-accused ng senadora na si Jose Adrian Dera, alyas Jad de Vera. Nangangahulugang ang paglilitis sa kanyang kaso (Dera) ay magpapatuloy.
Isa pang demurrer ang tinanggihan ng hukom na inihain ni De Lima. Ito ay ang inihain niya at ng driver-bodyguard na si Ronnie Dayan sa ikalawang drug case. Magpapatuloy ang pagdinig. Ang mga kampo nina De Lima at Dayan ay maghaharap ng ebidensiya simula sa Marso 5.
Ang senadora ay may isa pang nakapending na kaso sa droga sa Muntinlupa City RTC Branch 256. Ayon sa mga abogado ni De Lima, hindi pa ito naghaharap ng demurrer sa pangatlong kaso dahil hindi pa natatapos ng Department of Justice ang paghaharap ng prosecution-witnesses nito.
Batid ni Pres. Rodrigo Roa Duterte (PRRD) ang Constitution at siya sinanay sa batas. Isa siyang abogado. Ito ang pahayag ng Malacanang officials bilang tugon sa mungkahi ni Sen. Panfilo Lacson na basahin ni Mano Digong ang Saligang-Batas. Napikon si Sen. Ping sa komento ng Pangulo na walang pakialam si Lacson tungkol sa isyu ng VFA.
Kapwa binira nina presidential spokesman Harry Roque at presidential legal counsel Salvador Panelo si Lacson dahil sa pahayag nito na parang isang extortion ang desisyon ni PRRD na magbayad ang US kung gustong manatili ang Visiting Forces Agreement ng PH at US.
Sa kanyang Twitter account, pinayuhan ni Lacson ang Pangulo na basahin ang 1987 Constitution, partikular ang Article VII Section 21. Ganito ang isinasad ng probisyon: “No treaty or internnational agreement shall be valid and effective unless concurred in by at least two-thirds of all the Members of the Senate.” Kung gayon, sabi ni Lacson, may pakialam siya sa isyu ng VFA.