SA mga susunod na buwan, kakailanganin ang patuloy na pagbabalanse sa mga usapin ng iba’t ibang interes sa pag-usad natin sa pagtatanggal ng restriksyon kasama ng unti-unting pagpapabuti ng sitwasyon ng COVID-19 sa bansa.
Matapos tanggihan ang naunang mungkahi ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID) na luwagan ang General Community Quarantine (GCQ) restrictions sa Metro Manila patungong Modified GCQ, (MGCQ), bumoto ang mga mayor ng 17 siyudad at bayan ng Metro Manila nitong Huwebes para sa pagpapalit sa MGCQ.
Ipinaliwanag ni Manila Mayor Isko Moreno ang kanyang boto: “We need to create some economic activity.” Ayon kay Malabon Mayor Antolin Oreta III “he could hardly tell the difference anyway” ang pagkakaiba ng GCQ at MGCQ. Habang sinabi naman ni Valenzuela Mayor Rex Gatchalian na bumoto siya kontra sa pagpapaluwag ng restriksyon dahil tumataas ang kaso ng COVID-19 sa kanyang lungsod.
Sa kaparehong araw, sinabi ng OCTA Research Team, na mapanganib na luwagan ang restriksyon sa Metro Manila patungong MGCQ dahil sa tumataas na kaso sa mundo ng bago at mas nakahahawang at nakamamatay na COVID variants. “If restrictions in the National Capital Region are relaxed to very loose levels, the region will be under a constant threat of a surge due to the increased mobility of people, reduced social distancing, and diminished compliance with health protocols,” pahayag ng OCTA.
Tunay namang sa bawat galaw na luwagan ang restriksyon, napipinto ang ilang pagtaas ng impeksyon, lalo na’t hindi naman nakasusunod ang ilang tao sa patuloy na pangangailangan ng mask, distansiya at hygiene. Kaya naman maaasahan natin ang pagtaas ng kaso sa Metro Manila kung malipat ito sa MGCQ ngayong Marso.
Ito ay kaparehong posisyon na tinitingnan ng World Health Organization (WHO) para sa sitwasyon ng mundo. Ang pagpapaluwag ng quarantine measures ay kailangang gawin sa “targeted, calibrated manner,” pahayag ni WHO representative to the Philippines Dr.Rabindra Abeyasinghe.
Nariyan ang pangangailangan na luwagan ang restriksyon na nag-locked down sa Metro Manila ng halos isang taon na ngayon, na nagresulta sa pagkawala ng kabuhayan ng libu-libong pamilya sa gitna ng pagsasara ng maraming negosyo at industriya.
May ulat din mula sa Department of Health nitong Pebrero 17 na mula Enero 2020, hanggang Nobyembre 2020, may 553,434 pagkamatay sa bansa, ngunit dalawang porsiyento lamang dito – 11,577 – ang dahil sa COVID-19. Pumalo ng 17 porsiyento ang bahagi ng COVID-19 deaths noong Abril 2020, na bumaba ng 5.6 porsiyento noong Mayo patungong 2.2 porsiyento noong Hulyo, pababa sa 1.9 porsiyento nitong Enero 2021.
Isa pang ulat ng Department of Trade and Industry ang nagsasaad na 1.6 milyong Pilipino ang nawalan ng kanilang kabuhayan o hindi pa nakababalik sa trabaho ngayong pandemya. Sapat na dapat itong rason upang maitulak ang pagpapaluwag ng community quarantine rules, ayon kay Secretary Ramon Lopez.
Inaasahang iaanunsiyo ni Pangulong Duterte ang kanyang desisyon ngayong araw. Maaari niyang pakinggan ang desisyon ng Metro Manila mayors at luwagan ang rehiyon sa Modified GCQ, ngunit sa isang “targeted, calibrated” na paraan, tulad ng iginiit ng WHO.