ni Celo Lagmay
Mismong World Health Organization (WHO) ang nagbigay ng babala na may panganib ang pagbabago ng quarantine status sa Metro Manila at maaaring sa buong bansa -- mula sa General Community Quarantine (GCQ) upang ilagay sa Modified General Community Quarantine (MGCQ). Ibig sabihin, hindi pa napapanahon ang pagpapatupad ng gayong kaluwagan sa buong kapuluan lalo na kung isasaalang- alang na umiigting pa ang banta ng coronavirus hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa iba’t ibang lugar sa daigdig; lalo na ngayon na mistulang nagkukumagkag ang mga apektadong bansa sa pagbili ng anti-COVID vaccine. Idagdag pa rito ang paglaganap ng United Kingdom variant ng COVID-19.
Ang reaksyon ng WHO ay pinaniniwalaan kong nakaangkla sa matinding pagnanais ng ating mga awtoridad na ilagay sa MGCQ ang buong bansa, lalo na ang National Capital Region (NCR). Mismong National Economic Development Authority (NEDA) ang tandisang nagpahayag na panahon na upang luwagan ang quarantine status upang bumilis ang pag-usad ng ating ekonomiya o kabuhayan. Maging ang mga Alkalde ng NCR ay nagkaisa na sa implementasyon ng MGCQ sa naturang mga rehiyon, kahit na ang ilang siyudad dito ay sinasabing sinasalanta pa ng nakamamatay na mikrobyo.
Totoo na kailangan na tayong makabawi sa pagpapahirap ng COVID-19; katakut-takot na ang nagsarang negosyo at libu-libo ang nawalan ng mapagkakakitaan. Lugmok na ang ating ekonomiya at patuloy ang paglobo ng bilang ng nagugutom na mga kababayan natin. Maging ang itinuturing nating mga buhay na bayani -- ang Overseas Filipino Workers ( OFWs) -- ay halos said na sa kabuhayan; sila pa naman ang gumanap ng makabuluhang misyon sa pagpapaangat ng ekonomiya ng bansa dahil sa milyun-milyong dolyar na ipinadadala nila sa atin.
Walang hindi naniniwala na dapat nang lumuwag ang ating pagkilos sa ating mga komunidad. Subalit dapat din nating paniwalaan na ang gayong kaluwagan ay makapagpapalala sa dinadanas nating nakababahalang kalagayan. Ang pagdagsa ng mga pasahero sa mga sasakyang pampasahero, halimbawa, ay maaring maging dahilan ng paghahawahan sa coronavirus. Isipin na lamang na halos magkapalitan ng mukha, wika nga, ang mga pasahero na nagsisiksikan sa naturang mga sasakyan.
Maaaring ang pagpapatupad ng face-to-face classes ay mapanganib din kung pag-uusapan ang mistulang paglabag sa social distancing at iba pang mahihigpit na health protocol. Gayon din ang pagbubukas ng mga sinehan. Sa dilim ng mga movie houses, hindi natin matitiyak kung masusunod ang mga reglamento laban sa paglaganap ng mikrobyo.
Sa pagpapaluwag ng quarantine status, marapat lamang timbangin ng ating mga awtoridad ang laging ipinahihiwatig ng iba’t ibang sektor ng komunidad: Buhay o Kabuhayan. Aanhin pa nga natin ang pagpapaunlad ng kabuhayan kung maraming buhay naman ang makikitil dahil sa pananalanta ng nakikilabot na COVID-19?