ni Bert de Guzman
HALOS pitong babae na may edad na 14 o mas bata pa, ang nanganganak araw-araw. Ito ang pinakahuling findings na ni-release ng Commission on Population (PopCom).
Ayon sa PopCom, lumundag ng pitong porsiyento noong 2019 ang nanganganak na babaing 14 anyos pababa kumpara sa nakaraang taon batay sa ulat na ipinagkaloob ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Ganito ang report ng PopCom: “Noong 2019, 2,411 babae na itinuturing na young adolescents na may 10-14 ang edad, ang nagsilang ng sanggol. Katumbas ito ng halos pitong panganganak araw-araw, tatlong beses na pagdami mula 2000 na tanging 755 sa grupong ito ang nanganak.
Idinagdag ng PopCom na ito ang ika-siyam na taon na ang Pilipinas ay patuloy na nakapagtatala ng pagtaas ng teenage pregnancies sapul noong 2011.
Batay sa report ng PopCom, pinakamarami ang Calabarzon sa bilang ng nanganganak na menor de edad (808) kasunod ng Metro Manila (7,546) at Central Luzon (7,523). Ang iba pang rehiyon na nakapagtala ng mataas na teenage pregnancies ay Northern Mindanao (4,742), Davao (4,551) at Central Visayas (4,541).
Sa kabuuan, ayon sa PopCom, ang bilang ng Filipino minors na nagsilang noong 2019 ay naging 62,510 kumpara sa 62,341 noong 2018. Ayon kay PopCom executive director Juan Antonio Perez III, binibigyang-praryoridad ng gobyerno ang teenage pregnancy reduction program.
oOo
Sinabi ng Malacañang na ang pagbabakuna o inoculation ng may 1.4 milyong medical frontliners ay inaasahang makukumpleto sa loob ng isang buwan. Ayon kay presidential spokesman Harry Roque, mahigit na limang milyong COVID-19 jabs na nakuha o nabili sa pamamagitan ng COVAX facility, ay idedeliber na sa buwang ito.
Sa unang batch ng 117,000 jabs, mabibiyayaan ang mahigit sa 50,000 health workers dahil dalawang shots o bakuna ang ituturok bawat tao. Inaasahan ding limang milyong doses ng AstraZeneca vaccine ang darating din sa buwang ito, ani Roque.
Habang sinusulat ko ito, naniniwala ang Malacañang na mananatili si Baguio City Mayor Benjamin Magalong bilang contact tracing czar dahil mahirap siyang palitan para makahanap ng hahalili sa puwesto. Ayon kay Roque, kailangan munang tanggapin ng National Task Force Against Covid-19 (NTF) ang resignation ni Magalong na nagbitiw matapos dumalo sa isang party na umano’y nakalabag sa health protocols.
“Nang magsumite si Mayor Magalong ng kanyang resignation letter, hindi nabanggit na ito ay irrevocable. We said it is subject to acceptance and it was not accepted by the NTF and we stopped there” pahayag ni Roque.
Marami ang humanga kay Magalong bilang opisyal ng gobyerno na may delicadeza at integridad. Dahil sa palagay niya ay nagkulang siya sa tungkulin na ipatupad ang health protocols sa naganap na party ng socialite na si Tim Yap, pinili niya ang magbitiw. Tanong: Ilan pa kayang pinuno ng gobyerno ang katulad ni Magalong na hindi kapit-tuko sa posisyon?