Olympic podium, may tsansa sa talento ni Obiena sa pole vault

PATAAS at nasa tamang rurok ang kahandaan ni Pinoy pole vault star Ernest ‘EJ’ Obiena para sa nalalapit na Tokyo Olympics.

OBIENA: Dalawang ulit binura ang Philippine record

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Sa ikalawang sunod na torneo, naitala ng 25-anyos SEA Games champion ang bagong National Record at sa pagkakataong ito nasungkit niya ang gintong medalya laban sa matitikas na karibal sa ISTAF Berlin Athletics Indoor Meeting nitong Biyernes sa Berlin, Germany.

Nailista ni Obiena, anak ng dati ring SEA Games pole vault titlist Emerson Obiena, ang 5.80-meter sa unang pagtatangka, sapat para malagpasan ang dating Indoor pole vault record ng bansa na 5.70m na naitala niya sa Diamond League sa Monaco may isang linggo pa lang ang nakalilipas.

Kapiraso lang ang layo niya sa kasalukuyang Asian indoor record na 5.92m na hawak ni Igor Potapovich ng Khazakstan.

Pumangalawa kay Obiena si Torben Blech ng Germany sa naitala ring 5.80 meters sa ikalawang pagtatangka, habang bronze medalist si Oleg Zernikel ng Germany (5.72 meters).

Sa Poznan Athletics Grand Prix, nakamit ni Obiena ang bronze medal nang makatabla si American Matt Ludwig sa taas na 5.52 meter. Nagwagi rito sina Polish vaulters Piotr Lisek (5.72m) at kababayan na si Robert Sobera (5.62m).

Nauna nang nailista ni Obiena ang personal best sa 5.74m nang magawagi ng gintong medalya sa Golden Spike Meeting sa Ostrava, Czech Republic nitong September 2020, habang nakuha niya ang 5.7m sa Diamond League sa Monaco nitong August 2020.

Nitong Disyembre sa SEA Games sa Manila, nakamit niya ang gintong medalya sa markang 5.45m – isang bagong SEA Games record.

Ginugol ni Obiena ang panahon sa Italy para magsanay matapos ma-postponed ang Tokyo Games nitong Agosto 2020 bunsod ng coronavirus COVID-19 pandemic.

Si Obiena ang unang Pinoy na nakakuha ng slot sa quadrennial Games. Makakasama niya sa Philippine Team sa Tokyo Olympics sina gymnast Carlo Yulo at boxers Euimir Marcial at Irish Magno.

Habang naghihintay na lamang ng karampatang puntos sa ranking sina skater Margilyn Didal at weightlifting star at RIO Olympics silver medalist Hidilyn Diaz. Sasabak pa sa qualifying meet ang ilang boxers, taekwondo, karate, fencing at golf.