TULOY ang pagsawata ng Games and Amusements Board (GAB) sa mga pasaway na illegal bookies sa gitna nang mga ipinapatupad na ‘safety and health’ protocol laban sa kontra coronavirus (COVID-19).
Sa pinagsamang puwersa ng GAB Anti-Illegal Gambling Division, sa pamumuno ni SGI-2 Glenn Pe at operatiba ng Manila Police District (MPD) Special Operation Unit, sa pangunguna ni PCPT Jervies Soriano, Deputy Chief, sa patnubay ni PMAJ Cicero Pura, nalambat ang tatlong suspect sa isinagawang operasyon nitong Martes sa panulukan ng Pasig Line sa Sta. Ana, Manila.
Nadakip at sinampahan ng kasong paglabag sa Presidential Decree 1602 o Anti-Gambling (Illegal Horse Racing Bookies) sina Jerocel Medina, 47; Walter Beltran, 48; at Eric Paclibar, 38. Nakuha sa tatlo ang iba’t ibang kagamitan sa illegal na gawain, tulad ng radio, TV monitor at programa ng karera, gayundin ang mga nakolektang taya.
“Sa tulong po ng mga concerned citizen, amin pong sinubaybayan ang lugar at nang makumpira kaagad kaming nakipagtulungan sa MPD para masawata ang naturang illegal bookies,” pahayag ni Pe.
Malaking halaga ng buwis na magagamit sana ng pamahalaan sa mga programa tulad ng paglaban sa coronavirus ang nawawala dahil sa mga ilegal bookies. Hinikayat ni Pe ang mamamayan, higit yaong mga aficionados ng horse racing na tumangkilik sa mga legal ng Off-Track Betting Station, gayundin sa mga online apps na ginagamit sa kasalukuyan ng malalaking karerahan sa bansa.
“Yung buwis po na nakokolekta sa mga legal na programa ng horse racing at iba pang sanctioned program ng GAB ay nagagamit po sa pangangailangan ng ating mamamayan,” pahayag ni Pe.