HINDI makakasama si Kobe Paras sa Gilas Pilipinas pool na kasalukuyang nasa training para maghanda sa third window ng 2021 Fiba Asia Cup qualifiers.
Kinumpirma ni Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) program director Tab Baldwin na nagpaalam ang 6-foot-6 forward ng University of the Philippines na hindi makakasama at makakalaro sa susunod na buwan dahil may problema ito sa kanyang kalusugan.
“There’s a medical issue on Kobe,” ayon kay Baldwin.
Wala namang sinabi kung anong problemang medikal ang mayroon si Paras.
Bukod kay Paras, hindi rin makakasama sa pool si Ray Parks Jr dahil sa natamo nitong calf injury noong nakaraang PBA Philippine Cup bubble. Ayon kay TnT Tropang Giga physical therapist Dexter Aseron, nasa proseso pa ng rehabilitasyon ng kanyang injury.
Sa kasalukuyan, sina Kiefer Ravena, CJ Perez, Justine Chua, Raul Soyud, Troy Rosario at Roger Pogoy lamang ang mga PBA players na nasa Calamba bubble kasama sa Gilas pool.
Mula sa Laguna, ang mapipili sa Gilas team ay didiretso sa Clark bubble para sa FIBA Asia Cup qualifiers.
Marivic Awitan