NAKALULUNGKOT marinig na muling tumataas ang polusyon dito sa Metro Manila nito lamang nakaraang tatlong buwan, habang patuloy pa rin sa pananalasa ang pandemiyang COVID-19. Dala ito nang pagsulputan ng mga sasakyan sa malalaking kalsada nang magluwag ang awtoridad sa ipinatutupad nitong “total lockdown” upang mapigil ang pagkalat ng nakakahawang virus.
Nag-usad pagong na naman ang mga sasakyan sa mga lansangan, maging sa tinatawag nating mga national highway. Sa ilang lugar naman ay nag-umpisa na ring umugong sa loob ng mga pabrika ang mga makinarya rito na lumalagok ng gasolina at krudo, na nagbubuga ng nakasusulasok na usok na sumisira sa kalikasan. Pero “life must go on,” ika nga – kailangan ng mga taong kumilos upang kumita, para may pantawid gutom sa araw-araw na pamumuhay!
Batay kasi sa pinakahuling ulat ng mga awtoridad na nangangalaga sa ating kapaligiran at kalikasan, naging mabilis ang muling pagtaas ng polusyon, lalo na rito sa Kalakhang Maynila, kung saan karamihan sa mga tao ay nagmamadaling makabalik sa pagtatrabaho at kani-kanilang negosyo, na pinadapa ng pandemiyang COVID-19.
Sa lingguhang forum ng Balitaan sa Maynila, sinabi ni Doctor Leo Olarte, dating Phil. Medical Association President at kasalukuyang pangulo ng Clean Air Philippines Movement Inc (CAPMI), na nababahala ang kanilang grupo sa muling pagtaas ng air pollution sa Metro Manila, kumpara noong mga buwan na mahigpit ang pagpapatupad sa “total lockdown” sa Kalakhang Maynila.
Ayon pa kay Olarte, 80% ng air pollution ay mula sa mga usok ng mga sasakyan sa buong Metro Manila, na nakakaapekto naman sa ating lahat dahil sa maduming hangin na nalalanghap.
Ang air pollution kasi ay itinuturing na “major environmental risk factor” sa mga sakit na gaya ng asthma (hika), lung cancer, chronic obstructive pulmonary disease (COPD), ischemic heart disease, lung cancer, acute lower respiratory infections sa mga bata, at iba pang sakit.
Ang nakikita umanong pangunahing solusyon ng kanilang grupo sa problemang ito ay ang inaasahang pagbilis ng daloy ng trapiko dulot ng mga patapos na mga proyektong kalsada – gaya ng mga skyway – na magpapabilis sa daloy ng mga sasakyan.
Sa pananalasa kasi nang pandemiyang COVID-19 sa loob ng halos isang taon, animo tumigil sa pag-inog ang mundo ng buong sangkatauhan -- lalo na sa ating mga Pilipino – ang lahat ay obligadong sumunod sa ipinatutupad na iba’t ibang level ng “community quarantine”, upang maiwasan na magkahawaan, habang tinutuklas pa ang bakuna laban dito. Maraming mamamayan ang apektado rito – trabaho, negosyo, edukasyon at transportasyon.
Sa mga panahon ito – ang Inang Kalikasan naman ay waring nakangiti at nagbubunyi, dahil sa malaking nabawas na polusyon sa kapaligiran na dulot ng nakasusulasok na usok ng mga sasakyan at mga factory sa iba’t ibang lugar. Nakikita at nadarama ko ang kasiyahan ni Inang Kalikasan -- tuwing ako’y maglalakad, para mag-exercise at mag-alis ng suya at bugnot sa maghapong pagkakulong sa bahay – sa mga bagay sa paligid na biglang nagsulputan, gaya ng malalagong mga halaman na may makukulay na bulaklak at bunga, na dati-rati’y matamlay kung titingnan. Idagdag pa rito ang palipat-lipat na kulisap, paruparo, tutubi at alitaptap na nungkang makita mo noon dahil itinataboy o nangangamatay sa kapal ng polusyon.
Sa paglubog ng araw, nakatutuwang pagmasdan sa kalangitan ang malinaw na guhit ng mga bundok na dati-rati’y nungkang makita o maaninag man lang, dahil sa kapal ng polusyon na nakalambong sa buong kapaligiran.
Ngunit tila malapit na namang mawala ang lahat ng ito – pero ‘wag naman sana, bagkus itong pandemiya na lang ang matapos na!
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.