LOS ANGELES (AP) — Bumalikwas ang Golden State Warriors mula sa 14- puntos na paghahabol para maungusan ang Los Angeles Lakers, 115-113, nitong Lunes (Martes sa Manila).
Nagsalansan si Stephen Curry ng 26 puntos, habang kumana si Kelly Oubre Jr. ng 23 puntos para sandigan ang Warriors sa makapigil-hiningang panalo.
Naisalpak ni LeBron James ang 3-pointer para sa 97-83 bentahe ng Lakers sa kaagahan ng final period, bago umarya ang Warriors sa dominanteng 15-2 run, tampok ang driving lay-up ni Oubre na nagtabla sa iskor sa 118 at lay-up ni Draymond Green para sa unang bentahe ng Golden State may 2:40 ang nalalabi sa laro.
May tsansa si James na maipanalo ang Lakers, ngunit sumablay ang 3-pointer sa buzzer para matuldukan ang kanilang five-game winning streak.
Kumana si Dennis Schröder ng 25 puntos sa Los Angeles, habang tumipa si James ng 19 puntos at si Anthony Davis ay may 17 puntos at 17 rebounds.
Hataw si Eric Paschall mula sa bench sa naiskor na 19 puntos, habang umiskor si Andrew Wiggins ng 18 puntos sa Golden State.
NETS 125, BUCKS 123
Sa New York, naisalpak ni Kevin Durant ang go-ahead 3-pointer may 36 segundo ang nalalabi para sandigan ang Brooklyn Nets sa makapigil-hiningang panalo laban sa Milwaukee Bucks.
Hataw si James Harden sa naiskor na 34 puntos at 12 assists sa ika-apat na sunod na panalo at ikalawa mula nang sumapi sa Nets bunsod ng four-team trade.
Tumapos si Durant na may 30 puntos, siyam na rebounds at anim na assists, habang patuloy na hindi naglalaro si All- Star guard Kyrie Irving.
Sumablay ang huling 3-pointer ni Khris Middleton sa buzzer. Nanguna sa Bucks si Giannis Antetokounmpo sa naiskor na 34 puntos, 12 rebounds at pitong assists.
RAPTORS 116, MAVS 93
Sa Tampa, Florida, kumana si Kyle Lowry ng 23 puntos at tumipa si Pascal Siakam ng 19 puntos sa dominanteng panalo ng Toronto Raptors sa Dallas Mavericks.
Nalimitahan si Luca Doncic sa 15 puntos mula sa 4-of-11 shooting. Nanguna si Kristaps Porzingis sa Dallas na may 23 puntos at siyam na rebounds.
Sa iba pang laro, kinaldag ng Chicago Bulls, sa pangunguna ni Zach LaVine na may 33 puntos, ang Houston Rockets, 125-120; diniskaril ng Miami Heat ang Detroit Pistons, 113-107; tinalo ng Memphis Grizzlies ang Phoenix Suns, 108-104; nagwagi ang San Antonio Spurs sa Portland Trail Blazers 125-104; at nanaig ang Atlanta Hawks sa Minnesota Timberwolves, 108-97.