NEW YORK (AP) — Masasabing may potensyal sa NBA title ang Brooklyn Nets sa pagdating ni James Harden.
Hataw ang one-time MVP sa naitalang triple-double -- 32 puntos, 14 rebounds at 12 assist – sa kanyang debut game sa Nets para sandigan ang Brooklyn sa dominanteng 122-115 panalo laban sa Orlando Magic nitong Sabado (Linggo sa Manila).
Hataw din si Kevin Durant, dating teammate ni Harden sa Oklahoma City Thunder, sa naiskor na season-high 42 puntos, habang hindi pa nakababalik laro ang star point guard nilang si Kyrie Orving.
Nabigyan ng go-signal ng NBA si Harden na makapaglaro matapos masangkot sa four-team trade na naging daan sa kanyang paglipat sa Brooklyn mula sa Houston Rockets. Walang ensayo, ngunit walang problema kay Harden na naitala sa kasaysayan ng prangkisa na unang player na gumawa ng triple-double sa kanyang debut game.
Naisalpak ni Durant ang limang 3-pointers sa kanyang ika-10 laro mula nang ma-bench ng 18 buwan bunsod ng injury sa Achilles tendon noong 2019 NBA Finals kung saan pambato siya ng Golden State Warriors laban sa Toronto Raptors. Nahila niya ang average sa 30.7 puntos, pinakamataas mula nang maitala ang league-leading 32 per game at magwagi ng NBA MVP honor sa Oklahoma City noong 2014.
Nanguna si Nikola Vucevic sa Magic na may 34 puntos, 10 rebounds at pitong assists.
SPURS 103, ROCKETS 91
Sa San Antonio, umiskor si DeMar DeRozan ng 24 puntos, habang kumana si Dejounte Murray ng 18 puntos at 10 rebounds, sa panalo ng Spurs laban sa Houston Rockets at tuldukan ang four-game home losing streak.
Nag-ambag si Rockets center Christian Wood ng 24 puntos at 17 rebounds.
RAPTORS 116, HORNETS 113
Sa Tampa, Florida, naungusan ng Toronto Raptors ang Charlotte Hornets, sa naisalpak na krusyal free throws sa huling dalawang minuto nina Chris Boucher, Kyle Lowry at Fred Van Fleet.
Nanguna sa Raptors si Norman Powell na may 24 puntos, habang kumana si Boucher ng 20 puntos at siyam na rebounds.
Hataw si Gordon Heyward sa Hornets na may 25 puntos at tumipa si Terry Rozier ng 24 puntos at kumana si P.J. Washington ng 14 puntos at 12 rebounds.
Sa iba pang laro, nagwagi ang Detroit Pistons sa Miami Heat, 120- 100.
Samantala, may posibilidad na magbalik-aksiyon si Isaih Tomas nang ipahayag na ilang koponan ang nakikipag-usap sa pamamagitan ng kanyang bagong agent na si Bernie Lee ng Quartexx Basketball.
Tangan ng 31-anyos, 5-foot-9 guard ang averaged 12.2 puntos at 3.7 assists sa 23,1 minuto paglalaro sa 37 ng 40 games ng Washington Wizards sa nakalipas na taon bago siya i-trade sa Los Angeles Clippers na nagdesisyon an i-waived ang dating Boston Celtics star. Sa Celtics, naitala niya ang 28.9 points at 5.9 assists averaged para pagbidagan ang Boston sa 2017 Eastern Conference Finals.