SA ikatlong sunod na taon, ang TerraFirma ang may hawak ng top pick ng darating na PBA Annual Rookie Draft sa Marso 14.

Ayon sa isang insider, kinikilatis na mabuti ng Dyip ang mga pangunahing rookie prospects na sina Fil-Americans Joshua Munzon at Jamie Malonzo at ang high-scoring forward na si Alvin Pasaol.

Bukod sa tatlo, kinukunsidera din ng Dyip ang isa pang Fil-foreign player na si Troy Rike. Nakikita nila ang lakas ni Pasaol sa gitna habang posible namang pamalit o kahalili ni CJ Perez at Roosevelt Adams.

Base din sa subok ng talento ng mga nasabing rookies, naniniwala ang pamunuan ng TerraFirma na sinuman sa tatlo ang kanilang mapili ay makapagdagdag ng lakas at harurot sa Dyip.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Filipino ang ama sa katauhan ni Peter Munzon na tubong Pampanga, si Munzon ay naglaro para sa Saigon Heat at Westports Malaysia Dragons sa ASEAN Basketball League gayundin sa IECO Green Warriors noong 2018 Terrific 12 bago nakuha ng AMA Online Education Titans para sa 2019 PBA D League.

Si Malonzo naman ay nagpakita ng solidong impresyon nang maglaro sya sa De La Salle Green Archers kung saan sya nahirang sa Mythical Team sa nakaraang Season 82.

Mas nakilala naman ang 25-anyos na si Pasaol nang umiskor ito ng 49 na puntos para sa University of the East Red Warriors noong UAAP 2017 season. Naging magkakakampi sa Chooks to Go 3x3 league sina Munzon, Pasaol at Rike.

Samantala, pagkatapos ng TerraFirma, ang drafting order sa first round ay ang sumusunod: NorthPort, NLEX (Blackwater), NLEX (own pick), Rain or Shine, Magnolia, Alaska, San Miguel, Meralco, Phoenix, NorthPort (TNT) at Ginebra.

-Marivic Awitan