KUMPIYANSA si Philippine Olympic Committee (POC) President Abraham “Bambol” Tolentino na maibabalik na ang pagkilala sa Philippine Tennis Association (Philta) ng International Tennis Federation (ITF).
Ito’y sa kabila nang patuloy na pagkawatak-watak ng tennis community at pananatili nang mga lumang opisyal sa asosasyon. Nitong Enero 2, nagdaos ng “online election” ang Philta na hindi nilahukan ng mga malalaking pangalan sa tennis.
“They held a valid election so that’s what we’re going to tell their IF [international federation]. They are now complying in creating a committee on good governance with Parañaque City Mayor Edwin Olivarez as their chairman,” pahayag ni Tolentino.
“The IF [ITF] will follow what’s the report of the POC,” dagdag pa ng POC chief na tinutukoy ang sitwasyon na hindi naman sinuspinde ng POC ang Philta. “Maybe suspension will be lifted if they fully comply in ITF’s requirements.”
Sa idinaos na election of good governance, nahalal muli si Atty. Antonio Cablitas bilang presidente, Manuel Misa bilang bise presidente at ang anak nitong si Martin Misa ay itinalaga namang secretary-general.
Si Manuel Misa rin ang napiling maging treasurer ng board of trustees na kinabibilangan nina Dr. Pablo, Edwin at Edna Olivarez at Romeo Magat.
Hindi naman nakibahagi sa eleksiyon ang iba pang miyembro ng board na sina Lito Villanueva, Jean Henry Lhuiller at Gerard Maronilla.
Nauna ng nagbitiw si Villanueva sa kanyang puwesto habang sina Lhuiller at Maronilla ang mga nagreklamo sa ITF. Gayunman, inaasahan ng matatagalan ang proseso ng reinstatement dahil sa kasalukuyang kinakaharap na pandemic.
-Marivic Awitan