AGAD na magbabalik sa regular na pagsasanay ang atletang Pinoy sa sandaling maturukan ng vaccine laban sa COVID-19 ang mga miyemro ng Philippine Team.
“Right now, hindi tayo maka-full blast sa training dahil sa ‘safety and health’ protocol na ipinatutupad ng Inter-Agency Task Force. Although may request na ang PSC para madugtungan yung grupo na napayagan sa ‘bubble training’, wait and see pa rin kami sa desisyon,” pahayag ni Fernandez sa kanyang pagbisita kahapon sa ‘Usapang Sports’ via Zoom ng Tabloids Organization in Philippine Sports (TOPS).
Inamin ni Fernandez na malaking problema sa partisipasyon ng mga atleta ang kakulangan ng pagsasanay at ang kasalukuyang sitwasyon ang isa sa pasanin sa kanyang balikat bilang Chief of Mission ng Philippine Team sa Vietnam SEAG sa Disyembre.
“Very challenging ang trabaho, pero dapat nating kayanin. I’m very happy and thankful sa appointment na ibinigay ng POC sa akin,” pahayag ni Fernandez sa lingguhang forum na itinataguyod ng Philippine Sports Commission, PAGCOR at Games and Amusements Board (GAB).
Batay sa kasaysayan, sadsad ang kampanya ng Team Philippines sa SEA Games, higit sa pagkakataon na tumatayo itong defending champion.
“Historically, iyan ang record. Hopefully, makaalpas tayo. By June baka may vaccine na, mabigyan na rin ang mga atleta,” aniya.
Sa kasalukuyan, ilang piling atleta sa boxing, taekwondo at karate na pawang sasabak sa Olympic qualifying ang pinayagan na magsanay sa ‘bubble program’ sa Inspired Academy sa Laguna.