NITONG Sabado, nagbanta na naman si Pangulong Duterte sa Amerika na tuluyan niyang kakanselahin ang Visiting Forces Agreement (VFA) kapag hindi ito nakapagbigay sa bansa ng bakuna laban sa COVID-19. Ayon sa kanya, ang VFA ay nasa panganib na magwawakas at kailangang lumisan na ang mga tropa ng mga Kano sa bansa maliban na lamang kung kanyang pahihintulutan pang manatili ang mga ito. Matatandaang iniatas ng Pangulo na tapusin na ang VFA noong nakaraang taon, pero sinuspinde niya ito nang magtatapos na ito. Nito lamang nakaraang araw nang magpatawag siya ng emergency meeting hinggil sa COVID-19, ipinaliwanag ng Pangulo na ang mga mahirap na bansa tulad ng Pilipinas ay pangalawa lamang sa prayoridad ng Amerika na bigyan ng gamot pangbakuna laban sa COVID-19. Inuuna nito ang mga mayamang bansa.
Nakakita na naman ng dahilang ang Pangulo para makalusot sa napakalaking problema ginawa niya na sangkot ang buhay at kalusugan ng mamamayan. Para bang ang Amerika ang may kasalanan sa problemang ito, gayong ito ay may sariling problema na higit na malala kaysa sa ating bansa. Sa araw-araw, marami ang mga namamatay na tao sa Amerika sanhi ng pandemya. Umaasa rin ang Amerika sa tinuklas nitong gamot laban sa pandemya. Dalawang kompanya na gumagawa ng gamot sa Amerika ang nakatuklas na at inaprobahan nang gamitin dito at sa United Kingdom. Ang gamot na nagawa ng Pfizer/BioN/Tech ay 95 porsiyentong mabisa, samantalang ang nagawa ng Moderna ay 94 porsyento.
Itong gamot na gawa ng Pfizer ang siya sanang makukuha ng bansa nang maaga pa. Noong Setyembre pa lang ay inialok na itong gamot sa bansa na may mga kailangan lang mga dokumentong gawin ito. Nangyari ito sa tulong ng US Sec. of State Pompeo sa pakikipag-ugnayan ni DFA Sec. Locsin. Ang problema, nagturuan sina Executive Sec. Medaldea at Health Sec. Duque kung sino ang gagawa at lalagda ng dokumento hanggang mapagkaisahan na si Duque na. Huli na, dahil naibigay na ang gamot sa Singapore. Ayon sa Pangulo, may katwiran na maatraso si Duque dahil hindi naman ito abogado at kailangang pag-aralan pa ito bago lagdaan ang dokumento.
Iyon pala, sa China nakatakda nang kumuha ang bansa ng bakuna na gawa ng kanyang kompanyang Sonivac Biotech. Kaya, dagliang lumabas ang Pangulo at tumawag ng emergency meeting dahil masyadong mabigat ang oposisyon laban dito. Kasi, ang gamot ng China ay 50 porsiyentong lang na mabisa kompara sa Pfizer na 95 porsyento. Idinadawit ngayon ng Pangulo ang VFA para bang ang Amerika ay ayaw magbigay ng gamot sa layunin niyang takpan ang talaga niyang pagnanais na matangkilik ang China. Kaya, ang tanong tuloy ni Sen. Lacson dahil sa ginagawang ito ng Pangulo: “Ilang buhay sana ang masasagip?” Kasi, kung natuloy ang transaksyon sa Pfizer, sa unang buwan ng papasok na taon, may binabakunahan ng epektibong gamot. Talagang 91 percent epektibo ang Pangulo sa fake news.
-Ric Valmonte