Nasa 104 na Pilipinong nahawa sa coronavirus disease (COVID-19) sa iba’t ibang bansa at teritoryo sa mundo, ang gumaling o nakarekober na sa sakit, ayon sa ulat ng Department of Foreign Affairs (DFA).
Sa report ng DFA, ang mga gumaling na Pinoy ay nagmula sa Asia and the Pacific,Europe,Middle East at Africa.
Kasabay nito, naitala naman ang 81 Pinoy na karagdagang bilang ng bagong kaso ng COVID-19 at 24 naman ang namatay dahil sa virus sa mga nasabing mga kontinente.
Ang pagtaas ng bilang mga kaso ay dahil naman sa late reports bunsod ng privacy concerns sa Europe at sa Middle East.
Samantala ang nakalipas na mga kumpirmadong kaso sa dalawang bansa sa Europe ay inalis sa talaan dahil sa clerical error.
Sa inilabas na datos ng DFA, umabot na sa 12,820 ang kabuuang bilang ng na-virus na Pinoy buhat sa 84 bansa at teritoryo na may Filipino COVID-cases;8,333 rito ang gumaling na o nakalabas na sa mga pagamutan;3,576 naman ang patuloy pang nagpapagaling habang 911 na ang naitalang namatay dahil sa virus.
-Bella Gamotea