NAKAHANDA na ang mga Simbahang katoliko sa buong bansa upang i-welcome o tanggapin ang mga mananampalataya na dadalo at makikinig ng misa sa siyam na araw na Simbang Gabi simula ngayon.
Nagpaalala si Fr. Jerome Secillano, executive secretary ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) on Public Affairs, na dapat tumalima ang mga mamamayan sa ipinatutupad na health protocols ng gobyerno sa lahat ng simbahan.
Kinikilala ng CBCP ang mga patnubay sa ilalim ng “new normal” at pinakiusapan ang mga mananampalataya na sundin ang physical distancing, pagsusuot ng face mask/shield at maging ang curfew hours.
Inatasan ng CBCP ang mga obispo at pari na sumunod sa limitadong tao na puwedeng pumasok sa loob ng simbahan sa panahon ng misa upang maiwasan ang posibleng pagkahawahan. Ayon kay Secillano, dapat iklian ng mga pari ang sermon at gawing konti ang mga pagkanta dahil sa mga pag-aaral na dumarami ang hawahan sanhi ng pagkanta ng mga tao.
Mula sa Washington, may report na pumayag na ang US noong Biyernes sa paggamit ng bakuna para sa COVID-19. Halos 300,000 na ang namamatay na Amerikano dahil sa salot. Uunahing bakunahan ang health workers at nursing home residents matapos awtorisahan ng Food and Drug Administration (FDA) ang emergency rollout ng Pfizer Inc.-BioNtech vaccines.
Umaasa ang mundo na magiging mabisa at ligtas ang bakuna na gawa ng Pfizer at BioNtech upang makatulong sa pagsugpo sa pananalasa ng coronavirus na mahigit na sa 60 milyon ang nagpositibo at 1.5 milyong tao na ang binawian ng buhay.
Isang Filipino nurse na na-infect ng COVID-19 habang nagtatrabaho ang isa sa mga naunang tinurukan ng bakuna na gawa ng Pfizer-BioNTech sa United Kingdom noong nakaraang linggo. Ang Pinoy nurse ay si Leo Quijano, na nagsabing halos dalawang dekada na siyang nurse sa England.
Siya ay naglilingkod sa mga may sakit sa bato (kidney), kabilang ang dialysis. Noong Hunyo, siya ay nagpositibo sa virus. Hindi naman daw siya na-intubate dahil ang epekto ng COVID-19 sa kanya ay sa dibdib lang pero hindi naman siya naghihirap huminga.
Gayunman, nanatili siya sa ospital dahil naging abnormal ang kanyang dugo kung kaya maaari siyang atakehin sa puso. Siya raw ay positibo sa virus pero siya naman ay buhay pa. Aniya, maraming Filipino frontliners ang na-infect ng COVID-19, lalo na sa unang mga buwan ng pandemic. Ang nagturok ng bakuna sa kanya ay isa ring Filipino na best friend niya.
Nakatakdang buksan ngayon (Disyembre 16) ang lahat ng toll plaza sa kahabaan ng North Luzon Expressways (NLEX) para sa cash lanes. Makatutulong ang pagbubukas ng cash lanes sa pagluwag ng trapiko na naranasan sa unang mga araw ng pagpapatupad sa RFID.
Dapat lang na may cash lanes dahil hindi naman lahat ng motorista ay araw-araw na nagdaraan sa NLEX. Ang iba ay paminsan-minsan lang dumaraan diyan para umuwi sa probinsiya para dalawin ang mga kamag-anak.
-Bert de Guzman