NAGWAGI ng silver medal ang pambatong skateboarder ng bansa na si Margielyn Didal sa idinaos na Madrid Urban Sports tournament noong nakaraang Linggo.

May limang hurado na humatol sa nasabing virtual tournament na kinabibilangan nina Anthony Claravall, Danny Wainwright, Jesus Fernandez, Vanessa Torres at Alex Braza na syang pumili sa mga nanalo sa bawat isinagawang knockout matches kung saan walang pinayagan na magkaroon ng draw o tabla.

Natalo ang World no.14 rank na si Didal kay World no. 43 Nanaka Fujisawa ng Japan na nakuha ang lahat ng limang hurado sa kanyang performance sa finals.

Naunang tinalo ng 21-anyos na si Didal si World no.28 Marina Gabriela sa opening round, bago naungusan si World no. 8 Gabriela Mazetto,3-2 sa sumunod na round makaraang paboran nina Claravall, Wainwright at Fernandez.

New year, new career-high! Alex Eala, umarangkada bilang rank 49 sa WTA

Dalawang malaking upsets naman ang naitala ni Fujisawa makaraang talunin sina World no. 5 Candy Jacobs at no. 2 Rayssa Leal upang umabot ng finale.

Ang nasabing torneo ay bahagi ng paghahanda ng Cebuana skateboarder at unang Asian Games gold medalist sa skateboarding para sa hangad na mag qualify sa darating na Tokyo Olympics.

-Marivic Awitan