Totoong hindi kapani-paniwala ang nakalululang pagtaas ng presyo ng mga gulay lalo na kung isasaalang-alang na ang Pilipinas ay isang agricultural country. Isipin na lamang na ang isang kamatis, halimbawa, ay nagkakahalaga ng P20; at ang isang maliit na sibuyas, sa patunay ng isang namamalengkeng kapatid natin sa media, ay nagkakahalaga ng P10.
Kung sabagay, hindi naman natin dapat ikabigla ang ganitong nakapanlulumong situwasyon. Kasalukuyan na tayong nagdurusa sa tindi ng banta ng nakamamatay na coronavirus; at sunod-sunod ang bagyo at baha na nanalasa sa bansa na naging dahilan ng pagkawasak ng katakut-takot na mga ari-arian at ikinamatay ng ating mga kababayan.
Hindi pinaligtas ng nasabing mga kalamidad ang mga lalawigan na pinag-aanihan natin ng mga gulay at iba pang pananim. Sa aming lalawigan sa Nueva Ecija, na malimit na taguriang onion country ng bansa, halimbawa, mistulang nalumpo ang mga sibuyasan, lalo na sa bayan ng Bongabon. Maging ang hindi pa naaning mga palayan ay pinadapa ng malalakas na bagyo.
Sa ganitong situwasyon, hindi naiwasan ang pagtataas ng presyo ng mga gulay at iba pang agri products. Totoo na marapat lamang silang makabawi sa malaki rin namang pinuhunan nila sa pagtatanim ng nasabing mga produkto. Idagdag pa rito ang hindi birong pagsasakripisyo sa paghahatid ng kanilang mga ani sa iba’t ibang lugar dahil naman sa kakulangan ng transportasyon at dahil na rin sa pagkasira ng mga kalsada at mga feeder roads.
Subalit naniniwala ako na hindi ito dahilan ng masyadong pagtaas ng presyo ng mga gulay at iba pang produkto ng agrikultura. Marapat ding isaalang-alang ang pagdurusang dinaranas ng ating mga kababayan lalo na ngayong may pandemya; maraming walang trabaho at patuloy ang pagdami ng mga dinadapuan ng nakakikilabot na mikrobyo. Isang kawalan ng malasakit kung sila ay pagtutubuan pa ng mga tindera.
Mabuti na lamang at ang ganitong nakababahalang situwasyon ay kaagad inaksyunan ng gobyerno. Sa pamamagitan ng Department of Agriculture (DA), itinakda at mahigpit na ipinatupad ang suggested retail price (SRP) sa mga agri products na tulad nga ng kamatis, sibuyas, ampalaya, talong at iba pa; gayon din ang isda, karne ng baboy, baka at manok, at iba pa.
At matindi ang babala ni DA Secretary William Dar: Ilalapat ang buong puwersa ng batas sa sinumang lalabag sa SRP. Ibig sabihin, mananagot ang mga negosyante, kabilang na ang mga tindera, sa walang patumanggang pagtataas ng halaga ng kanilang mga paninda. At ito ay ipatutupad hindi lamang sa panahon ng pandemya kundi sa lahat ng pagkakataon.
-Celo Lagmay