HABANG unti-unting lumilinaw ang pag-asa sa COVID-19 vaccines, hindi dapat matabunan ang mga mahihirap sa mundo sa pagkukumahog ng mga bansa na mapasakamay ang bakuna, pahayag ng World Health Organization nitong Lunes.

Sinabi ni WHO director-general Tedros Adhanom Ghebreyesus na ang pinabagong batch ng magandang resulta mula sa final-phase trial ng mga kandidatong bakuna ay nagpapakita na may liwanag sa dulo ng “long dark tunnel” ng coronavirus pandemic.

Ngunit ipinaalala niya na kailangang masiguro ng mundo na patas na maipamamahagi ang bakuna para sa lahat.

“Every government rightly wants to do everything it can to protect its people,” giit ni Tedros sa isang virtual press conference.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

“But there is now a real risk that the poorest and most vulnerable will be trampled in the stampede for vaccines.”

Inanunsiyo ng AstraZeneca at Oxford University na ang kanilang prospective vaccine ay napatunayan na 70 porsiyentong epektibo sa pagpapahinto ng virus matapos itong subukan ng 23,000 tao, ilang araw matapos ilabas ng dalawang kandidatong bakuna ang higit 90 porsiyento bisa mula sa isinagawang pagsusuri.

“With the latest positive news from vaccine trials, the light at the end of this long dark tunnel is growing brighter. There is now real hope that vaccines in combination with other tried and tested public health measures, will help to end the pandemic,” ani Tedros.

“The significance of this scientific achievement cannot be overstated. No vaccines in history have been developed as rapidly as these. The scientific community has set a new standard for vaccine development.”

POOLED VACCINES PROJECT

Halos 1.39 milyong tao na ang namatay sa novel coronavirus habang nasa mahigit 58.6 milyong kaso ang naitala mula nang umusbong ang outbreak sa China noong Disyembre, ayon sa tally mula sa mga kinalap na datos ng AFP.

Dahil sa inaasahang malaking demand para sa anumang bakunang maaaprubahan, tumulong ang WHO na likhain ang tinatawag na Covax facility upang masiguro ang patas na pamamahagi. Sinabi ni Tedros na 187 bansa na ang sumusuporta rito.

Layon ng international vaccine procurement pool na pamahalaan ang dalawang bilyong doses ng ligtas at epektibong bakuna sa pagtatapos ng susunod na taon.

Gayunman, nahihirapan itong makakalap ng sapat na pondong kailangan para mabigyan ang 92 low-income na bansa at iba pang ekonomiya na mabilis na nagpalista sa programa.

Ayon kay Tedros, nasa $4.3 billion ang kinakailangan na upang masuportahan ang mass procurement at delivery ng COVID-19 vaccines, tests at treatments, habang dagdag na $23.8 billion ang kailangan sa 2021.

“The real question is not whether the world can afford to share COVID-19 vaccines and other tools; it’s whether it can afford not to,” ani Tedros.

Nitong Linggo, inihayag ng mga lider sa virtual G20 summit na “[they would] spare no effort” upang masiguro ang patas na pamamahagi ng coronavirus vaccines, bagamat may kuwestiyon pa rin matapos ihayag ni Angela Merkel ang pangamba sa mabagal na proseso.

Ibinahagi ng German chancellor na nangangamba siya na walang major vaccine agreements ang nabuo para sa mahihirap na bansa, kahit pa nakabili na ang mayayamang bansa ng malaking bilang ng doses mula sa mga pharmaceutical firms.

Nangako rin ang mga lider sa ginanap na summit na susuportahan ang mahihirap na bansa na ang ekonomiya ay pinadapa ng krisis, bagamat wala namang ibinigay na detalye.

Agence France-Presse