Malibansa ilang sektor ng ating mga kababayan na manhid sa pagmamalasakit sa kapuwa, higit na nakararaming mamamayan ang walang pag-aatubiling sumaklolo sa mga biktima ng hagupit ng magkasunod na bagyo, lalo na ang nanalanta sa Bicolandia. Sa pangunguna ng gobyerno -- kusang-loob na sumugod ang ilang pribadong sektor, kabilang na ang ilang mga media outfit, sa Catanduanes, Albay, Camarines Sur, at iba pang lugar na winasak ng mga bagyo; hinatiran ng pagkain, gamot, damit at iba pang pangunahing pangangailangan ng mga biktima ng kalamidad na ang ilan ay nananatili pa sa mga evacuation centers sapagkat ang kanilang mga bahay ay mistulang nilumpo ng naturang trahedya.
Mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang maagap na nagpamalas ng pagmamalasakit sa mga binaha at binagyo nang kanyang iutos sa iba’t ibang kagawaran ang pagtungo sa mga lugar ng kalamidad. Nagsagawa siya ng aerial inspection sa Albay at Catanduanes at nasaksihan ang kalunos-lunos na kalagayan ng ating mga kababayan na mistulang nakalutang sa baha. Hindi ko matiyak kung nagbibiro lamang ang Pangulo nang kanyang ipahiwatig: Gusto kong makilangoy sa inyo.
Sa anu’t anuman, maliwanag ang marching order ng Pangulo sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan, tulad ng mga Departments of Health, Defense, Trade and Industry, at Agriculture: Alamin at tulungan ang ating mga kababayang sinalanta ng kalamidad.
Isinasaad sa mga ulat na ang agrikultura ang nagtamo ng pinakamalaking pinsala, lalo na nang nasa kasagsagan pa ang pag-aani; maraming palay ang nalubog at marami sa mga ito ang hindi na masyadong pakikinabangan dahil sa pagkakababad sa tubig. Dahilan ito upang ang ating mga magsasaka ay dumanas na naman ng hindi birong kahirapan. Dahilan din naman ito upang ang pamunuan ng Department of Agriculture (DA) ay kaagad sumaklolo at lalong pinaigting ang programa nito hinggil sa pagkakaloob ng financial aid, binhi, abono at iba pang agri implements at makinarya para sa ating mga magbubukid.
Naging katuwang ng DA sa gayong pagsisikap ang mga local government units (LGUs), lalo na ang tungkol sa pagbili ng palay sa mga magsasaka, pagbili ng mga produktong gulay; bahagi rin sila ng pagpapatayo ng mga mechanized palay drier na lubhang kailangan lalo na nga at mahigpit na ipinagbabawal ang pagbibilad ng palay at mais sa mga kalsada.
Ang gayong programa ay naging bahagi ng mga patakaran ng mga LGUs, tulad ng pamunuan ng aming lalawigan -- ang Nueva Ecija sa ilalim ni Gob. Aurelio Umali. Sa aking pagkakaalam, ang implementasyon ng nabanggit na programa ay naging bahagi na ng mga proyekto ng probinsya kahit na noong nakalipas na administrasyon.
Gayunman, hindi ito dapat mangahulugan ng pagpapawalang-bahala sa pagsaklolo sa mga binaha at binagyo. Lalo na nga at ang naturang lalawigan ay hindi rin pinaligtas ng bangis ng nakaraang mga bagyo.
Marapat lamang na ang pagpapatupad sa gayong mga programa at pagsisikap ay lalo pang pag-ibayuhin para sa kapakanan hindi lamang ng mga biktima ng kalamidad kundi maging ng mga magsasaka at iba pang sektor ng Novo Ecijanos at ng ating mga kababayan sa iba’t ibang panig ng kapuluan.
-Celo Lagmay