Matagal ko nang pinaniniwalaan na ang paglikha ng mga kagawaran ng gobyerno na may magkakatulad na gawain at tungkulin ay walang puwang sa isang administrasyon na nagpapatupad ng cost-cutting policy; kailangang magtipid sa gastos upang ang buwis ng taumbayan ay maiukol sa higit na makatuturang programa at mabuting serbisyo lalo na ngayon na tayo ay ginigiyagis ng nakamamatay n COVID-19 pandemic.
Masyadong marami nang ahensiya at departamento ang pamahalaan na ang ilan, sa katunayan, ay maaari nang pag-isahin upang maiwasan nga ang tinatawag na duplication of functions. Hindi na dapat ang paglikha ng dagdag na kagawaran maliban kung ang mga ito ay gagamiting pambayad, wika nga, sa tinatatawag na political debt. Hindi ba naging kalakaran na, lalo na noong nakaraang mga administrasyon, ang paglikha ng mga tanggapan upang maitalaga sa puwesto ang mga nakaagapay nito sa pangangampanya?
Sa paglikha ng mga kagawaran na ang mga mamumuno ay may cabinet rank, hindi maiiwasan na ang gayong mga tanggapan ay posibleng pamugaran ng mga katiwalian na nais lipulin ni Pangulong Rodrigo Duterte. Kamakailan lamang, halos manggalaiting iniutos ng Pangulo ang pagbuo ng isang Mega Task Force upang linisin sa anomalya ang lahat ng ahensiya ng gobyerno tungo sa lagi niyang ipinahihiwatig: Isang malinis at matatag na pamahalaan.
Maaring may lohika ang panukala hinggil sa paglikha ng Department of Disaster Resiliency (DDR), halimbawa, subalit nais kong itanong: Hindi ba ang tungkuling iaatas dito ay ginagampanan na ng ibang ahensiya ng gobyerno? Ang pagtugon sa pangangailangan ng mga biktima ng kalamidad ay nakasalalay sa National Disaster Risk Reduction Monitoring Council (NDRRMC). Matagumpay na naiparating nito ang mga saklolo na kailangan ng ating mga kababayan, lalo na ang paggamit ng mga barko at eroplano sa paghahatid ng mga relief goods.
Kahawig din ito ng misyon ng Phivolcs at Pagasa na lagi rin nakahanda sa pagbibigay ng babala upang makaiwas sa panganib ang mga nasa lugar na posibleng daanan ng bagyo, lindol at iba pang kapahamakan. Kaagapay rin dito ang mga local government units (LGUs) na lagi ring nakahanda sa pagdamay sa mga calamity victims.
Sa isa pang panukala, hindi ko rin makita ang lohika sa paglikha naman ng Department of Overseas Workers. Hindi ko rin matiyak kung ano na ang naging kapalaran ng nasabing plano. Hindi ba ang gayong kagawaran ay duplikasyon na ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA)? At maging ng Philippine Overseas Employment Authority(POEA)? Ibig sabihin, halos magkakapareho ang tungkuling ginagampanan ng mga ito.
Sa anu’t anuman, marapat marahil magkaroon ng pangalawang sulyap, wika nga, ang paglikha ng mga karagdagang departamento upang matiyak ang pagiging lalong epektibo ng mga ito sa pagbibigay ng mabuting serbisyo; upang maiwasan ang walang kapararakang misyon.
-Celo Lagmay