TULUYANG tinabla ng Philippine Olympic Committee (POC) ang apela ni Ramon ‘Tatz’ Suzara na irekonsidera ang ibinigay na akreditasyon sa Philippine Electronics Sports Organization (PESO).

Ipinaglalaban ni Suzara, tumayong Executive Director ng Philippine SEA Games Organizing Committee (PHISGOC) nitong Disyembre, ang akreditasyon ng pinamumunuan niyang National Esports Federation of the Philippines (NESFP).

Ang NESFP ang binigyan ng basbas ng Olympic Council of Asia (OCA) na magorganisa ng e-sports competition sa nakalipas na SEA Games sa Manila.

Sa opisyal na sertipiko na ipinalabas ng POC na may petsang Oktubre 9, 2020 at may lagda ni POC Secretary General Atty. Edwin B. Gastanes, pormal na idineklara ang PESO bilang associate member ng National Olympic body.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Nitong August 29, sa isinagawang virtual General Assembly, tinanggap ng POC ang PESO bilang associate member batay sa rekomendasyon ni Membership Committee head Bones Floro.

Sa record, ang PESO ay affiliated sa International Esports Federation (IESF) na siyang kinikilala ng International Olympic Committee (IOC).

“As such, PESO is the sole recognized National Sports Association and governing body for the sport of ESPORTS in the Philippines,” saad ng POC certificate.

Nagtataglay ang sertipiko ng mga pangalan ng PESO officials na magsisilbi ng dalawang taon mula sa kanilang pagkakahalal nitong Pebrero 2019: Brian Benjamin Lim, President; Eric Redulfin, Vice President; Jess Tamboboy, Secretary General; and Michael Gatchalian, Corporate Secretary.

“We are honored and grateful for the trust that the POC placed in us. We embrace this huge responsibility as we continue to support our athletes and push the growth and development of Esports in the country,” ayon kay PESO President Brian Lim. Bert de Guzman