SA PAGsisimula ng pagbabayad ng Department of Agriculture (DA) ng ating mga alagang baboy na namatay dahil sa African Swine Fever (ASF), natitiyak ko na pag-iibayuhin na rin ng ating mga magsasaka ang pagpapalawak at pagpapaunlad ng kanilang mga babuyan, kabilang na ang mga backyard hog raisers. Sa aking pagkakaalam, limang libong piso ang ibabayad sa bawat baboy na pinatay at pinagsama-samang ibinaon sa malalim na hukay upang hindi mahawahan ng ASF ang iba pang babuyan.
Magugunita na ang ASF -- na tulad ng COVID-19 na nagsimula rin sa China -- ay nanalasa sa iba’t ibang babuyan sa buong kapuluan at naging dahilan ng pagpuksa sa libu-libong alagang baboy. Nakakikilabot na mikrobyo ito na kamuntik nang lumumpo sa P250-B hog industry ng ating bansa. Mabuti na lamang at ang salot na ito ay napaghandaan hindi lamang ng DA kundi ng mismong mga hog raisers na tumalima sa makabuluhang mga protocol hinggil sa pag-iwas at pagsugpo ng ASF. Totoo na hindi pa ganap na napapawi ang bangungot, wika nga, na likha ng naturang sakit ng hayop subalit laging nakalatag ang mga panaklolo ng gobyerno para sa kaligtasan ng hog industry.
Sa gayong pagsisikap ng pamahalaan -- sa pamamagitan nga ng DA at ng iba’t ibang local government units (LGUs), hindi maiaalis na ang ating mga magsasaka na kinabibilangan ng mga backyard hog raisers ay masyadong manabik sa ibang ayuda na talaga namang nakaukol sa kanila. Dahil sa napipinto na naman ang susunod na pagtatanim ng palay o crop season, naniniwala ako na nais nilang matanggap kaagad ang karagdagang mga ayuda na tulad ng abono, binhi at mga agricultural implements na itinatadhana ng Rice Tariffication Law (RTL). Humigit-kumulang sa P10 bilyong halaga ng makinarya at iba pang tulong ang matatamasa ng mga magbubukid sa naturang batas.
Itinatadhana ng nasabing batas ang paglalaan ng milyun-milyong pisong pondo para sa mga LGUs upang magamit nila sa pagbili ng palay mula sa ating mga kababayang magsasaka. Ang mga Gobernador -- kabilang na si Gov. Aurelio Umali ng aming lalawigan, at iba pang provincial executive sa mga lugar na pinag-aanihan ng palay, mais at iba pang agri products -- naglatag na rin ng mga programang pangkaunlaran at pangkabuhayan upang pahinain ang epekto ng kinakaharap nating mga salot, tulad nga ng ASF. Dagdag pa rin ang matindi ring banta ng nakahahawang COVID-19 na nanalasa hindi lamang sa atin kundi maging sa mismong mga magsasaka.
Anupa’t ang gayong pagsisikap ng DA ay hindi lamang mangangalaga sa ating hog industry kundi makapagpapaangat pa ng kabuhayan ng mga magsasaka na madalas taguriang ‘backbone of the nation’ o gulugod ng bansa.
-Celo Lagmay