Bagama’t kasalukuyan pang hinihimay, binubusisi at tinitimbang ng mga mambabatas ang Coconut Trust Fund Law, naniniwala ako na walang magiging balakid upang ito ay maisasabatas sa lalong madaling panahon. Marapat na mapangalagaan ang multi-bilyong pisong coco levy para sa ibayong pagpapaunlad ng industriya ng niyog at sa pagpapaangat ng kabuhayan ng milyun-milyong coconut farmers.
Ang dalawang bersyon ng naturang panukalang-batas -- ang Senate version na isinusulong ni Senador Cynthia Villar bilang Committee on Agriculture and Food samantalang ang House version ay pinauusad naman ni Rep. Wilfred Mark Enverga -- ay natitiyak kong nakalundo sa makabuluhang mga adhikain: Maingat at epektibong paggamit ng coco fund; pagbalangkas ng mga proyekto para sa kapakanan ng mga magsasaka at ng kanilang pamilya at ng coco industry sa kabuuan. Sa aking pagkakaalam, ipauubaya sa Department of Agriculture (DA), sa pamamagitan ng Philippine Coconut Authority (PCA), ang pangangalaga sa naturang pondo.
Dahil sa kahalagahan ng coco levy fund -- P80 billion cash, at bilyun-bilyon pang asset o ari-arian -- gusto kong maniwala na ang nabanggit na mga bill ay makalulusot sa makapangyarihang veto power ni Pangulong Rodrigo Duterte. At gusto ko ring maniwala na hindi niya gugustuhin na ang nasabing limpak-limpak na pondo ay mabahiran ng mga alingasngas. Hindi ba may mga ulat noon na ang coco levy fund ay malimit puntiryahin ng mga mandarambong?
Ang gayong mga pangamba ang dapat ding maging batayan sa pagtutugma ng dalawang bersyon ng nabanggit na mga bill. Naniniwala ako na kapuwa nito pahahalagahan ang katotohanan na ang coconut industry ang lalong makapagpapaangat sa ekonomiya ng ating bansa -- at ng kabuhayan ng sambayanan. Isipin na lamang na ang Pilipinas ang pinakamalaking coconut exporter at pangalawang pinakamalaking coco producer sa buong daigdig. Ibig sabihin, kinikilala sa buong mundo ang ating mga produkto na walang alinlangang nag-aakyat ng limpak-limpak na dolyar sa kaban ng ating bayan.
Ang kanais-nais na situwasyong ito ang marapat ngayong pangalagaan ng DA-PCA. Natitiyak ko na pag-iibayuhin pang lalo ang pag-ayuda sa mga coco farmers sa pamamagitan ng pamamahagi ng high-yielding coco seedlings, farm machineries at iba pa.
Dahil dito, dapat lamang asahan na sa pamamagitan ng coco levy funds, lalo pang susulong at aangat ang pamumuhay hindi lamang ng mga coco farmers kundi ng sambayanang Pilipino sa kabuuan; lalo na nga kung ang naturang bilyun-bilyong pondo ay hindi sasalingin ng mga tiwali.
-Celo Lagmay