HINDI maitatanggi na sa panahon na lubhang kailangan ang wasto at mapagkakatiwalaang mga impormasyon -- lalo na ang hinggil sa nakakikilabot na banta ng coronavirus -- hindi alintana ng media workers ang pangamba at mistulang pagsuong sa mga panganib sa pangangalap ng makabuluhang mga impormasyon; marapat mabatid ng mga mamamayan ang mga nangyayari sa gobyerno at sa kanilang mga komunidad.
Sa isang panukala na matagal na sanang dapat naisabatas, kinikilala ang makatuturang misyon ng media sa pagbalangkas ng mga patakaran ng pamahalaan. Sa naturang bill -- ang Media Workers Welfare Act (MWWA) na inakda ni Senate President Vicente Sotto III -- inaatasan ang gobyerno na pagkalooban ang media workers ng pinaigting na proteksiyon, seguridad at iba pang benepisyo. Naniniwala ako na ito ang katumbas ng mapanganib subalit makabuluhang tungkulin ng ating mga kapatid sa media.
Nakalulugod mabatid ang madamdaming pahiwatig ni Sen. Sotto: “Matindi ang pagsasakripisyo ng media workers sa ngalan ng public service. Higit na mahaba ang panahong ginugugol nila sa kanilang mga mikropono at camera, recorders at laptop kaysa sa kanilang mga mahal sa buhay. At may pagkakataon na ang karamihan sa kanila -- lalo na ang mga naitatalaga sa iba’t ibang lugar sa bansa at maging sa foreign assignment -- ay nagtitiis na lamang sa kapos na benepisyo na hindi katumbas ng kanilang pinagpaguran.”
Dahil dito, ipatutupad ng MWWA ang basic compensation scheme for media workers guaranteed security of tenure, P500 hazard pay for dangerous coverage and additional insurance benefits. Tampok din ang paglikha ng News Media Tripartite Council na magiging sanggunian ng iba’t ibang media group sa pagbalangkas ng mga patakaran para sa buong industriya ng media.
Nais kong bigyang-diin na hindi lamang gayong mga benepisyo ang marapat ipalasap sa media workers bagama’t ang mga ito ay hindi maaaring maliitin lalo na ngayon na lalong dumadami ang nagugutom nating mga kababayan. Kailangang palawakin ng gobyerno ang pagpapaigting ng seguridad sa ating mga kapatid sa media, lalo na ang malimit malagay sa panganib ang buhay dahil sa pagtupad ng kanilang misyon bilang tagapagpalaganap ng makabuluhang mga impormasyon na dapat malaman ng taumbayan.
Biglang sumagi sa aking utak ang nakaririmarim na mga eksena: isang reporter ang mistulang sinubuan ng pahayagan ng isang opisyal ng pulis; mga mamamahayag na pinalayas ng police executive sa kanilang media office; at iba pang panggigipit na dinanas ng ating mga kapatid sa media.
Hindi ba higit na nakadidismaya ang karumal-dumal na pagpatay sa media workers na tumupad lamang sa kanilang misyon hinggil sa pagsisiwalat ng katotohanan? Nakalulungkot na ang lahat yata ng gayong mga pagpaslang ay hindi nalapatan ng katarungan. Hindi ko matiyak kung ang ganitong nakapanlulumong mga pangyayari ay dapat ding maging bahagi ng MWWA.
-Celo Lagmay