LUMAMPAS na ng 35 milyon ang kabuuang kaso ng coronavirus sa mundo nitong Lunes, wala pang isang linggo mula nang humigit sa isang milyon ang bilang ng mga namatay sa coronavirus disease 2019 (Covid-19), ayon sa datos ng Johns Hopkins University.
Nangunguna pa rin ang United States sa mundo na may higit 7.4 milyong kaso at halos 210,000 pagkamatay, kasunod ang India na may 6.6 milyong kaso at 102,000 pagkamatay, at ang Brazil na mamy 4.9 milyong kaso kasama ng 146,000 pagkamatay.
Ang China na sinasabing pinagmulan ng COVID-19, ay hindi naman nagpakita ng malaking pagbabago mula noong nakaraang linggo ay may higit 90,000 kaso at 4,700pagkamatay, ayon sa datos. Habang kapansin-pansin ang Turkey na may 324,443 at 8,441 pagkamatay hanggang nitong Linggo.
Sa patuloy na pagkukumahog para sa paghahanap ng epektibong bakuna, may 11 ang nasa Phase 3 na mula sa higit 170 kandidato na tinututukan ng World Health Organization (WHO).
Bukod naman sa Phase 3 efficacy trials, ang Russia at China ay may lima nang aprubadong bakuna para sa limitadong paggamit, na hindi na naghintay ng Phase 3 trial.
Noong Agosto 11, sinabi ng Russia na inirehistro na nila ang isang COVID-19 vaccine na pinangalanang Sputnik V, at kalaunan ay nag-anunsiyo na tumanggap na ang Moscow ng order mula sa 20 bansa para sa isang bilyong doses, kung saan tumanggap na ang Venezuala ng unang batch ng Sputnik nitong Biyernes.
Ibinahagi naman ng national pharmaceutical firm ng China, ang Sinopharm, na namahago ang kumpanya sa libu-libong tao ng dalawa sa kanilang experimental vaccines bilang bahagi ng programa ng pamahalaan noong Hulyo. Isa pang Chinese firm, ang Sinovac Biotech, ang nag-anunsiyo nitong Setyembre na 90 porsiyento ng mga empleyado at kanilang mga pamilta ang tumanggap ng experimental vaccine.
Gayunman, sa US, bigong maaprubahan ng Food and Drug Administration (FDA) ang isang bakuna maliban na lamang kung mapatunayan itong ligtas at mabisa ng regulatory standards.
“FDA will not authorize or approve a vaccine we won’t be confident in giving to our families,” pahayag ni Chief Stephen Hahn noong Setyembre 23 sa isang Senate hearing.
Nagpatupad ang US ng Operation Warp Speed sa pag-asang makakuha at makapamahagi ng milyong doses ng bakuna sa pagtatapos ng 2020, matapos ang kasunduan noong Hulyo na magbabayad ang pamahalaan sa Pfizer at BioNTech ng $1.95 billion para sa 100 milyong doses ng kanilang bakuna kung ito ay mapatunayang ligtas at epektibo. Inanunsiyo rin nito ang $1.6 billion agreement sa Novavax para sa manufacturing at pamamahagi ng 100 milyong doses pagsapit ng Enero 2021.
Nitong Setyembre 28, nagbigay na ang mga Turkish doctor ng unang shot ng coronavirus vaccine sa isang health worker, sa pagsisimula ng Istanbul University’s Cerrahpasa Medical Faculty ng Phase 3 trials.
Hindi naman inaasahan ng WHO na maipatutupad ang malawakang pagpapabakuna laban sa Covid-19 sa buong mundo hanggang mid-2021.
Anadolu/PNA