LOS ANGELES – Natanggap ni Mark Magsayo ang babala na hindi pipitsugin ang karibal na si Rigoberto Hermosillo ng Mexico.
Hindi nagkamali ang mga eksperto.
Nangailangan si Magsayo nang dagdag na lakas at pusong matibay upang maisalba ang dikdikang laban at makamit ang 10- round split decision laban sa Mexican slugger nitong Sabado (Linggo sa Manila) sa kanilang featherweight match sa Microsoft Theater sa Los Angeles, California.
Hirap man na matyempuhan ang karibal, nagawang makapuntos ng undefeated Pinoy champion nang mabibigat na bigwas para makuha ang iskor mula sa dalawang hurado sa pagtatapos ng 10-round co-main event.
Nakuha ni Magsayo ang iskor na 100- 90 mula kay judge Rudy Baragan, habang nagbigay si judge Zachary Young ng 96-94 para sa Pinoy. Nakuha ni Hermosillo ang dikit na 96-94f mula kay judge Lou Moret.
Ito ang ika-21 sunod na panalo ni Magsayo para mapanatili ang malinis na marka. Huli siyang lumaban kontra Panya Uthok ng Thailand via unanimous decision para sa WBC-ABC featherweight title.
Sumabak si Magsayo sa US fights sa unang pagkakataon sa pangangasiwa ni legendary coach Freddie Roach at sa ilalim ng MP Promotions ni Senator Manny Pacquiao.
Ayon kay Roach, plano niyang maihanda si Magsayo para sa susunod na laban kontra WBC No.4 ranked contender Gary Rusell.
“We’d love to fight [WBC champion] Gary Rusell Jr. but we need more work in gym,” pahayag ni Roach.
Nailista ni Magsayo ang karta sa 21-0, tampok ang 4 knockout,habang bumagsak ang marka ni Hermosillo sa 11-3-1, 8KOs. Si Hermosillo ay last-minute substitute kay American Jose Haro.