Hindi raw ituturing ng Philippine National Police (PNP) na "seditious" ang mga placards na maglalaman ng "BBM resign" sa isasagawang Trillion Peso March sa Pebrero 25, 2026.
Sa panayam sa media ni National Capital Region Police Office (NCRPO) spokesperson Police Major Hazel Asilo, iginiit niyang bagama't ikokonsidera nila ang freedom of expression-ay nakaantabay din sila sa marahas na mga panawagang maaaring isabay sa mga kilos-protesta.
"Hindi naman natin iko-consider na seditious kung halimbawa sabihin nila 'BBM resign,' not unless kumbaga manghihikayat na sugurin o sunugin. Yun yung mga kino-consider natin na mga hindi magagamdang statements," saad ni Asilo.
Samantala, nasa mahigit 13,000 police personnel ang nakatakdang ipakalat sa iba't ibang panig ng Metro Manila.
"Nagkaroon ng pagbabago from 14,000, naging 13,448 yung ating latest na deployment," saad ni Asilo.
Paliwanag pa niya, "Yung ating mga PNP personnel from SPD is binawasan sila. Instead na dadalhin sila ng EDSA, is inallign na lang sila doon sa ating mga usual na mga law enforcement operations sa area ng SPD."
Matatandaang nauna nang nanindigan ang pulisya na tanging ang mga may permit lamang ang papayagan nilang magsagawa ng kilos-protesta kasabay ng komemorasyon ng ika-40 anibersaryo ng EDSA People Power I.
Nilinaw din ng mga awtoridad na nanatiling no-rally zones ang Mendiola at mga lugar na malapit sa bisinidad ng Malacañang Palace. Nakatada na rin daw maglagay ng barikada ang Manila police District (MPD) bilang paghahanda sa posibilidad ng bugso ng mga raliyista.