MADALAS kong ikonsidera ang aking sarili bilang isang tao na may malalim na interes sa kasaysayan, partikular sa Kasaysayan ng Pilipinas. Hindi ko naman ikinokonsidera ang aking sarili bilang isang eksperto o iskolar ngunit para sa akin ay isa itong tungkulin. Maaaring palasak na ito ngunit naniniwala akong tungkulin ng bawat mamamayan na malaman at maunawaan ang kasaysayan ng kanilang bansa.
Ngunit higit sa isang tungkulin, nasisiyahan ako sa pagbabasa ng mga kuwento sa nakalipas. Maraming puwedeng matutunan mula sa mga istorya—tagumpay at kabiguan; ordinaryo man o pambihira—sa nakalipas ng mga Pilipino. Hindi ko iniisip na dapat nating gayahin ang naganap sa nakalipas (magkaiba ang kanilang konteksto) ngunit sa palagay ko’y maaari nating magamit ang ilang aral upang masolusyunan ang sarili nating problema. At may mga kuwento sa nakalipas na mahalaga dahil nagbibigay ito ng inspirasyon at bumubuhay ng diwa.
Isa sa mga kuwento mula sa nakaraan ng mga Pilipino ang “Insidente sa Balangiga” na naganap noong umaga ng Setyembre 28, 1901—119 taon na ang nakalilipas.
Matatagpuan ang Balangiga sa katimugang baybayin ng Eastern Samar na nakaharap sa Leyte Gulf. Sa panahon ng Digmaang Pilipino-Amerikano, inokupa ng puwersa ng Amerika na mula sa Company C ng 9th US Infantry Regiment ang bayang ito upang harangan ang maliit nitong pantalan mula sa paggamit ng puwersa ng mga Pilipinong rebolusyonaryo bilang ruta ng suplay.
Samakatuwid, isinara ng US ang Balangiga mula sa mga suplay, militar man o sibilyan. Kinumpiska ng puwersa ng Amerika ang mga bigas at pagkain na nagdulot ng malawakang gutom ng mga mamamayan sa bayan. Sapilitang pinagtrabaho ang mga Balangigan-ons at ikinulong sa hindi makataong kondisyon at binibigyan lamang ng kaunting pagkain at tubig.
Isinalaysay ni Dr. Rolando O. Borrinaga ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) sa isang artikulo kung paano bumuo ng plano ang mga residente upang tutulan ang pagmamalupit ng mga Amerikano. Pinangunahan ni Valeriano Abanador, hepe ng lokal na pulisya, ang pag-atake ng nasa 500 kalalakihan mula sa mga pamilya ng Balangiga. Naisahan nila “moving armed guard by grabbing his gun from behind and hitting him unconscious with its butt on the head”. Naging hudyat ito para sa “communal laborers positioned in and around the town plaza to make the rush at the two other stationary armed guards and the unarmed men of Company C”. Sinundan ito ng pagpapatunog sa ngayo’y sikat na kampana ng Simbahan ng Balangiga upang maging hudyat ng simula ng pag-atake.
Matapos ang kumosyon, naranasan ng mga Amerikano ang isa sa pinakamalaking pinsala sa isang engkuwentro. Nasa 48 Amerikanong sundalo mula sa 74 miyembro ng Company C ang namatay sa pag-atake. Sa 26 na nakaligtas, apat ang sugatan. Habang ang matatapang na mga Pilipino, na dehado kung ikukumpara sa mga sundalo ng US na de-baril, ay nagtamo ng 28 patay at 22 sugatan.
Sa pagbibigay-diin ni Dr. Borrinaga: “the Balangiga Incident in 1901 was unique in that it involved a rare Filipino victory during the Philippine-American War, the ringing of a church bell or bells during the attack, and the taking of these bells as documented war booty from that war”.
Kabilang sa maraming pagsisikap na maibalik ito, naghain ako ng Senate Resolution No. 177 noong Oktubre 25, 2007 na nagpapahayag ng “sense of the Senate for the return to the Philippines of the Balangiga Bells which were taken by the US troops from the town of Balangiga, Province of Samar in 1901.” Masaya ako na makalipas ang 117 taon, noong 2018, sa wakas ay naibalik ang Balangiga Bells sa nararapat nitong lugar.
Ang mga kuwentong tulad ng ‘Insidente sa Balangiga’ ay nagbibigay sa atin ng pagmamalaki bilang tao. Ang tapang ng mga Pilipino sa kabila ng katakot-takot na sitwasyon ay dapat na hangaan. Maraming dagok at pagkabigo sa ating kasaysayan ngunit ipinakita ng ating mga kababayan na ang kabutihan para sa iba, ang kalayaan at ang bansa ay karapat-dapat ipaglaban.
Wala na tayo sa totoong digmaan ngayon. Ngunit ang katapangan ng mga ordinaryong Pilipino sa ordinaryong panahon, dapat nating ipagmalaki ang bansa. Alam kong ilan ang madalas punahin ang kakulangan ng disiplina at iba pang maling karakter ng mga Pilipino ngunit survivor ang mga Pilipino. Lagi tayong matatag.
-Manny Villar