Nakakintal pa sa aking utak ang walang kagatul-gatol na pahiwatig ni Pangulong Duterte: “No ifs and buts, West Philippine Sea (WPS) is ours.” Nangangahulugan na ang naturang teritoryo ay pag-aari ng lahing Pilipino bagama’t ito ay pinag-aagawan ng ilang karatig na bansa, kabilang na ang China na hanggang ngayon ay sinasabing mistulang naghahari-harian sa WPS.
Ang pahayag ng Pangulo ay pinaniniwalaan kong nakalundo sa kanyang talumpati kamakailan sa United Nations General Assembly (UNGA); na nakaangkla naman sa desisyon ng Permanent Court of Arbitration (PCA) sa The Hague na naninindigan na ang WPS ay nasasakop ng teritoryo ng ating bansa. Sa kauna-unahang pagkakataon, ang naturang disisyon na umano’y inuupuan ng administrasyon ay binuhay ng Pangulo -- isang desisyon na mahigpit namang tinututulan ng China sa kabila ng pagkatig ng iba’t ibang European at Asian states.
Sabi nga ng Pangulo: “We welcome the interesting number of states that have come in support of the award (PCA decision) and what it stands for -- the truimph of reason over rashness, of law over disorder. This -- as it should -- is the majesty of the law.”
Dahil dito, sa kauna-unahan ding pagkakataon, ang Pangulo ay umani ng katakut-takot na papuri mula sa kanyang mga kritiko na wala nang nasilip na mabuting nagawa ng kanyang administrasyon. Ngayon pa lamang, matindi na ang paghikayat nila na tuparin ng Pangulo ang kanyang pahayag hinggil nga sa pagkilala at paggalang sa desisyon ng PCA -- sa kabila naman ng mahigpit ding pagkontra ng sa kabila naman ng mahigpit ding pagkontra ng China. Nangangahulugan ba na nais din nilang tutulan ang pakikipagmabutihan ng Pilipinas sa nabanggit na bansa?
Sa kabilang dako, hindi marahil kalabisang ipagunita sa Duterte administration na marapat ding paigtingin ang matagal nang paghahabol ng ating mga kapatid na Muslm sa pinag-aagawan ding Sabah territory. Hanggang ngayon, sa aking pagkakaalam, ang mga tagapagmana ng Sultan of Sulu ay patuloy na naninindigan na ang naturang teritoryo ay nasasakop ng Pilipinas at hindi ng ibang bansa. Hindi ba laging ipinangangalandakan ng Malaysia na ang Sabah ay lehitimo nilang pag-aari?
Gusto kong maniwala na ang masalimuot na isyu ay hindi uupuan, wika nga, ng Pangulo. Lalo na nga kung isasaalang-alang na siya ang kauna-unahang naging Presidente na nagmula sa Mindanao. Gayon na lamang ang kanyang pagpapahalaga sa tinatawag na Muslim Island. Pinatutunayan ito ng kanyang masidhing adhikaing pairalin ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM). Hindi ba lagi niyang ipinahihiwatig na si Lapu-Lapu na isa ring Muslim ay marapat ding idambana bilang Pambansang Bayani?
Sa kabila ng lahat ng ito, naniniwala ako na pangangatawanan niya ang tunay na diwa ng kanyang pahayag; kaakibat ito ng aking paniwala na kailanman ay hindi niya nanaisin na ang ating mga kababayang Pilipino ay hindi dapat maging dayuhan sa kanilang sariling bayan.
-Celo Lagmay