SA kabila ng puspusang paghahanda at sama-samang pagsisikap ng Department of Education (DepEd) at iba’t ibang sektor ng sambayanan, naniniwala ako na hindi pa rin ganap na maipatutupad ang tinatawag na blended education. Matinding balakid ang matindi ring banta ng nakamamatay na COVID-19. Subalit naniniwala rin ako na ang ganitong mga problema ay malalampasan natin, lalo na kung isasaalang-alang ang tunay na diwa ng bayanihan.
Sa Okt. 5 pa ang pagsisimula ng mga klase sa public schools, subalit matagal na ring sinimulan ang walang humpay na implementasyon ng mga programa at proyekto tungkol sa distance learning; kaakibat ito ng mahigpit na pagbabawal sa nakagawiang face-to-face classes upang maiwasan ang paghahawahan ng mismong mga estudyante at mga guro. Sa halip, ipatutupad ang online education na kinapapalooban ng iba’t ibang gadget na tulad ng laptop, cellphone at iba pang instrumento. Sinasabing manaka-naka ring gagamitin ang mga radyo at telebisyon, lalo na sa mga kalunsuran at kabayanan; ang ganitong mga kagamitan ay pinaniniwalaan kong hindi magiging epektibo sa mga kanayunan at kabundukan.
Dahil dito, halos bumuhos, wika nga, ang suporta hindi lamang ng pamahalaan kundi maging ang iba’t ibang pribadong sektor. Ang ilang local government units (LGUs), halimbawa, ay nagkaloob ng mga laptop at iba pang gadget sa mga mag-aaral sa kanilang nasasakupan. May mga pulitiko rin, kabilang ang ilang mambabatas, ang naglaan ng pondo para sa gayong mga kadahilanan. At may ilang pribadong kompanya rin ang mistulang sumaklolo sa pangangailangan ng mga estudyante, lalo na sa pamilya ng mga nakalugmok sa karalitaan.
Hindi na natin tutukuyin ang pangalan nga mga nagmamagandang-loob sa kapakanan ng mga mag-aaral na maliwanag namang mistulang uhaw na uhaw sa karunungan. Sapat nang mabatid natin na kabi-kabila ang mga pagtulong ng mga nagmamalasakit sa mga mag-aaral tungo sa pag-ibayo ng tinatawag na literacy status ng bansa.
Maging ang mga magulang ay nagpapamalas na rin ng kahandaan sa napipintong blended learning sa pamamagitan ng pakikipagtuwang sa mga guro sa pagtuturo ng kanilang mga anak. Nakalulugod mabatid na ang ilan sa mga ina at ama na masyadong abala sa paghahanap ng pangangailangan at ikabubuhay ng kanilang mga supling ay nakahandang magsakripisyo para sa edukasyon ng ating mga kabataan.
Sa ganitong pagpapamalas ng bayanihan o kooperasyon ng isa’t isa, wala akong makitang dahilan upang hindi magtagumpay ang mga pagsisikap laban sa problema sa kamangmangan o illiteracy problem ng lipunan.
-Celo Lagmay