NITONG nakaraang Lunes, ang imahe ng Black Nazarene ay inilabas sa simbahan ng Quiapo at ipinarada ng mga 300 devotees pagkatapos ng misa na ginanap alas 12:15 ng tanghali. Ang prusisyon ay ginanap sa pamamagitan ng motorcade. Aalamin ng Manila Police Department ang posibleng paglabag sa quarantine protocol ng mga nag-organisa at nakilahok dito. Ayon kay MPD Station 3 Commander Police Lt. Col. John Guiagui, nilabag ng grupo ang pagbabawal sa mass gathering at hindi ito kumuha ng permiso sa Manila Police. Sinabi naman ni Joint Task Force Covid Shield Police head Lt. Gen. Guillermo Eleazar, papanagutin ang mga mapapatunayang lumabag sa mga tuntunin ng task force. Inaako naman ni Fr. Dadong ang responsibilidad. Aniya, ginawa ang Black Nazarene motorcade procession upang mapagaan ang dinadalang problema ng mga mananampalataya sanhi ng pandemya.
Kahit sino ay wala sa posisyon para masabi kung kailan matatapos ang pandemya. Ang magwawakas nito ay kapag nakalikha na ng epektibong gamot na maibabakuna sa tao. Pero, hindi nangangahulugan na mabubuhay tayo tulad ng ibinubuhay natin ngayon na ang karamihan ay naghihirap at nagugutom. Pwede tayong mabuhay na parang walang pandemya kung ang pamamaraan para makaiwas dito ay epektibo at nasusunod. At ang mga pamamaraang ito ay nakahulma sa komprehensibong programang pinag-aralang mabuti at nilikha ng mga taong dalubhasa o maalam sa kani-kanilang larangan o propesyon. Ang pandemya ay mga problemang pangkalusugan at pang-ekonomiya. Ang problema, wala na ngang komprehensibong programa ang gobyerno, ang mga taong nangangasiwa ng grupong panagot sa pandemya ay pinangingibabawan ng mga sundalo at pulis. Hindi mo makikitang dinodomina ng Department of Health ang grupo sa paggawa at pagpapatupad ng mga tuntunin hinggil sa pagsawata sa pagkalat ng virus. Ang higit na masama ay hindi buo ang sambayanan. Hinahati-hati sila ng administrasyon base sa mga ginagawa nito tulad ng pagkonsente sa pinuno ng DOH na pinagre-resign na ng mga senador, paggastos sa salapi ng bayan para sa mga makapaghihintay na proyekto, sa halip na pakinabangan ito ng taumbayan na ginutom at pinaghirap ng pandemya, pagpasa ng Anti-Terror Law, at patuloy na pagpaslang sa mga tao at pagmamarka o red tagging ng mga tao at samahan na naglalagay sa kanila sa panganib. Eh,ang pagkakaisa ng sambayanan ang mahalaga sa paglaban sa pandemya.
Kaya, sa mga mananampalataya, ang pananalig sa Panginoong Diyos ang makatutulong sa kanila sa panahon ng pagsubok at kahirapan. Higit na kakapitan nila ito lalo na kung wala silang nakikitang pag-asa na masasagip sila sa kanilang katayuan ng pamamaraan ng tao. Kaya, ang prusisyon ng Black Nazarene ay hindi dapat hanapan ng paglabag dahil dito kumukuha ng lakas at pag-asa ang mga mamamayan na diringgin sila ng Diyos at sa Kanyang oras, ay lulunasan ang kanilang pangamba at paghihirap. Sa halip, igalang ang prusisyon at pananalig ng mga mananampalataya sa Panginoong Diyos.
-Ric Valmonte