PALIBHASA’Y mistula pang nakabilanggo hanggang ngayon sa kani-kanilang mga tahanan, ang tatlo sa aking mga kapanahon sa pamamahayag ay mistula ring nagpapaligsahan sa pagsasagawa ng mga pamamaraan upang pahupain ang kanilang matinding pagkaligalig; upang pawiin, kahit paano, ang pagkainip at pagkabagot na bumabagabag sa kanila samantalang nananatili sa bahay dahil sa matinding banta ng COVID-19 pandemic. Sila, na kapuwa ko mga octogenarian (80 anyos o higit pa) na nakakausap ko na lamang sa cellphone ay tatawagin ko sa mga pangalang Alex, Ramon at Badong.
Sa pagsisimula ng lockdown kaugnay ng naturang nakamamatay na coronavirus, sinimulan na rin ni Alex ang pagtatanim ng mga ornamental plants sa kanyang maliit na bakuran. Kinabibilangan ito ng bandera española, fortune plants, snake plants, santan at iba pa. Palibhasa’y mabilis lumago at mamulaklak kahit nakatanim lamang sa mga basag na paso, buong pagmamalaking itinawag ni Alex sa akin: “Sa pagtitig ko lamang sa nagtitingkarang mga bulaklak ng aking mga halaman, napapawi ang matinding pagkainip na bunsod ng pademya.” Naniniwala ako sa kanyang sinabi.
Iba naman ang pinagkakalibangan ni Ramon samantalang siya ay paikit-ikot lamang sa kanilang maliit na bahay at bakuran. Matagal na pala siyang nakapagtanim ng mga herbal plants. Pinag-ibayo na lamang niya ang pag-aalaga ng mga ito nang nagsimulang manalanta ang nakakikilabot na COVID-19 na kumitil na ng maraming buhay hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa iba’t ibang panig ng daigdig.
Hindi lamang matinding pagkabagot at pagkainip ang pinawi ng mga halamang gamot ni Ramon. Hindi lamang ako ang hinikayat niyang subukan ang epekto ng mga ito kundi ang iba pa naming mga kapuwa peryodista. Buong pagyayabang niyang itinawag sa akin: Malaki ang ginhawang naidudulot ng pag-inom ng pinakuluang mga dahon ng lagundi, oregano, sambong, serpentina at iba pa -- mga medicinal plants na pinaniniwalaan kong pinagkukunan ng iniinom nating mga medisina. Hindi ba ang lagundi at tawa-tawa ay sinusuri ngayon ng mga medical expert sa pagbabakasakaling ito ay makagagamot ng COVID-19?
At lalong naiiba ang pamamaraan ni Badong sa pagpawi ng nadadama niyang pagkabahala at kalungkutan samantalang mistulang preso sa kanyang bahay. Matagal na siyang nagtatanim ng mga gulay sa kanyang likod-bahay. Hindi niya tinigilan ang pagpapayabong ng mga ito na hanggang ngayon ay pinanggagalingan ng kanilang pagkain -- at maging ng pangangailangan na kanyang mga kapit-bahay.
Kaakibat ito ng kanyang paghikayat sa kanyang mga ka-barangay upang iukol ang panahon sa tinatawag na urban gardening. Isa itong proyekto na bahagi ng Plant, Plant, Plant program ng gobyerno na pinauunlad ng Department of Agriculture sa pamamagitan ng pamamahagi ng libreng binhing gulay sa sinumang mga nangangailangan.
Sa aking pagtugon sa aking mga kapuwa senior-senior contemporaries, buong pagmamayabang ko ring sinabi: Matagal ko nang sinimulan ang ipinagmamalaki ninyong ‘stress killer’ o pamatay ng pagkaligalig, pagkabagot at pagkainip habang nagbubuhay-bilanggo dahil sa pamiminsala ng nakamamatay na coronavirus.
-Celo Lagmay