DAHIL sa pagtulong ng mga mambabatas na maibalik ang full allowances ng mga atletang Pinoy at coaches na apektado ng Covid-19, muling inulit ni Philippine Sports Commission (PSC) Chairman William Ramirez ang labis na pasasalamat sa Kamara.
“Nais naming pasalamatan si Congressman (Abraham) Tolentino, na siya ring pangulo ng POC (Philippine Olympic Committee), sa ayudang kaloob kasama si Speaker (Alan Peter) Cayetano para sa alokasyon ng allowances ng mga atleta,” ani Ramirez.
Sa kanyang pahayag, idiniin ni Ramirez na mali ang sabi-sabi na hindi kailangan ang mga pulitiko sa sports. “We need them in sports to craft laws and help us fund our athletes”.
Sa tulong ni Speaker Cayetano, naisingit ni Tolentino ang P180 milyon sa pinagtibay na Bayanihan to Recover as One Act II.
Idinagdag niyang sa pagsisikap nina Tolentino at Cayetano at sa suporta ng bicameral body na binubuo ng Senado at Kamara, nakapaglaan ng sapat na pondo na magagamit sa programa ng bansa sa Olympics at sa pagsasanay ng mga atleta.
Matapos aprubahan ng Kamara ang Bayanihan II, nakatakdang ratipikahin ng bicameral body ang panukala na nagkakaloob ng additional cash aid na P5,000 para sa lahat ng atleta at coaches.
-Bert de Guzman