DEAR Manay Gina,
Ang problema ko ay tungkol sa pagbabago ng aking biyenang-lalaki.
Siya ay dating responsable, relihiyoso at naging lider pa ng aming barangay. Pero mula nang namatay ang aking biyenang-babae, at nagsara ang kanyang pinapasukang kumpanya, ay nagbago na ang kanyang pag-uugali.
Sa kasalukuyan ay iba-ibang babae ang kanyang kinakasama. Ang dahilan niya: nobya raw niya ang mga ‘yon. Ang mas nakakaalarma pa, tila puro sex ang laman ng kanyang isip. Marami siyang green jokes at laging may kahalong sex ang kanyang pakikipagkuwentuhan.
Kami po ng aking asawa ay hindi kumportable sa kanyang ginagawa at naiisip naming hindi siya nagiging magandang halimbawa sa kanyang mga apo. Mahal namin siya pero dahil sa kanyang pagbabago, ang paggalang namin sa kanya ay unti-unting nawawala. Ano po ang dapat naming gawin?
Lucy
Dear Lucy,
Hindi tama para sa mga bata, ang makarinig ng mga kuwentong pang-matanda, gaya ng sex. Sabihin mo sa ‘yong mister, na kausapin niya ang kanyang ama tungkol dito, at maging sa pakikipag-relasyon nito sa iba-ibang babae.
Kung sa palagay n’yo ay mabigat itong sabihin ng isang anak sa kanyang magulang, humingi kayo ng tulong sa isang may-edad na tiyuhin, o isang malapit na kaibigan ng iyong biyenan, na puwedeng magpayo sa kanya, firmly and respectfully.
Sabi mo ay dati siyang responsable at kapita-pitagan. Kung gayon, maaaring ang ugat ng kanyang pagbabago ay isang problemang sikolohikal. Tandaan mo, ang sexual misbehavior ay puwedeng ring tanda ng pagkakaroon ng dementia, kaya mainam ding lumapit kayo sa doktor para maibigay sa ‘yong biyenan ang tamang tulong.
Good luck.
Nagmamahal,
Manay Gina
“It is not who is right, but what is right, that is of importance.” —Thomas H. Huxley
Ipadala ang tanong sa [email protected]
-Gina de Venecia