SA implementasyon ng bagong quarantine status -- ang General Comunity Quarantine (GCQ) -- sa lahat halos ng sulok ng kapuluan, ang pagpapalawak ng kapasidad sa mga establisimiyento ay natitiyak kong makapagpapatighaw sa ating paghihirap. Lalo na ngayong hindi humuhupa ang matinding banta ng kinatatakutang coronavirus; bagkus, lalo pang dumadami ang dinadapuan nito, lalo na sa Metro Manila o National Capital Region (NCR).
Ang mga restawran at food chain, halimbawa, ay pinayagan nang magpapasok ng 50 porsyento ng kanilang mga parokyano. Maging ang mga macro at micro enterprises ay pinagkalooban din ng kahawig na kaluwagan o minimum occupancy capacity. Dahil dito, ang mga negosyante ay makaaahon na sa pagkalugi at ang kanilang mga tauhan ay magkakaroon ng mapagkakakitaan para sa kanilang pamilya na hanggang ngayon ay mistulang nakalugmok sa pagdurusa. Mapupuntahan na nila ngayon ang paborito nilang mga kainan na makapapawi sa kanilang pagkaburyong sa kani-kanilang mga tahanan.
Malaki rin, siyempre, ang kaginhawahang naidulot sa ating mga kababayan ng pagpapahintulot na makapagpasada ang halos lahat ng uri ng transportasyon. Hindi lamang mga tsuper kundi, lalo na ang mga pasahero na namamasukan sa iba’t ibang tanggapan at negosyo, ay nabiyayaan ng nasabing pagluwag sa GCQ. Nakalulungkot nga lamang na masaksihan sa mga kalsada ang marami-rami pa ring mga jeepney driver na patuloy na namamalimos.
Kabaligtaran naman ang kaluwagang nadarama ng ilang sektor ng ating mga kababayan. Sa paningin ng Simbahang Katoliko, halimbawa, ang 10 katao lamang na pinapayagang makadalo sa misa ay walang lohika o hindi makatuwiran kung ihahambing sa 50 percent capacity na ipatutupad sa mga restawran o food chain.
Ang parunggit ng isang Obispo ng simbahan ay pinaniniwalaan kong nakaangkla sa kanyang paniwala na higit na kailangan din ang mga mananampalataya na dapat dumalo sa mga misa. Makabuluhan ang gayong patakaran dahil marahil sa kanilang paniwala na sa nasabing mga banal na dalanginan dapat marinig ang mga aral ng Panginoon.
Hindi ba sapat na ang online mass upang mapakinggan ang tunay na diwa ng ebanghelyo o salita ng Diyos? Sa nasabing sistema ng pagmimisa, hindi ba mistula ring naisisigaw ng mga alagad ng relihiyon ang kanilang makatuturan at maaanghang na mga kritisismo laban sa administrasyon?
Sa harap ng nabanggit na magkakasalungat na pananaw, naniniwala ako na marapat na lamang nating paigtingin ang pagtalima natin sa mahihigpit na quarantine protocol laban sa nakamamatay na COVID-19. Hindi na panahon ngayon ng parunggitan, batikusan -- panahon ngayon ng ibayong pag-iingat at taimtim na panalangin na masasambit kahit saan tayo naroroon.
Higit sa lahat, panahon ngayon na ang lahat ng mga sektor ay manatiling magkakatuwang sa lahat ng larangan ng pakikipagsapalaran.
-Celo Lagmay