ISA sa mga napakasakit na resulta ng masalimuot na proseso ng pamimigay ng ayuda sa maralitang Pilipino ngayong panahon ng COVID-19 ay ang pagtapak sa kanilang dignidad. Bakit nga ba, sa mahigit dalawang buwan ng quarantine ng maraming mamamayang Pilipino, pagkatagal-tagal ng pagdating ng tulong sa mamamayan, at nung dumating na kung hindi kulang, kailangan pa silang pumila sa ilalim ng init ng araw at gawing tila mga pulubing nagmamakaawa para sa kaunting ginhawa?
Kapanalig, ang ayuda ng pamahalaan ay ayon sa batas – ang Bayanihan to Heal as One Act. Nilalayon ng batas na ito na tulungan ang bawat mamamayan, lalo na ang poorest of the poor, na malampasan ang mga epekto ng COVID-19 at ng malawakang quarantine sa bansa. Mainam na batas ito, kaya lamang, tila naging marami ang nahirapan sa implementasyon.
Noong April 3 pa na-roll out ng DSWD ngunit hanggang ngayong linggo, maraming mamamayan ang hindi pa rin nakakatanggap ng ayuda. Ang target ng pamahalaan ay mabigyan ang 18 milyong benepisaryo ng social amelioration program. Nitong May 11, isang araw bago ang deadline, 16.1 million ang nabigyan o 89.42%.
Marami ang mga benepisaryo, at napalaking gawain ito. Madaling unawain yan, kapanalig. Kaya lamang mahigit isang buwan na ang lumipas mula ng roll-out. Ano ba ang nangyari at tumagal ng ganito ang pagbigay suporta sa poorest of the poor ng bansa?
Sa mga social media, makikita natin ang maraming reklamo ng mga mamamayan ukol sa proseso ng SAP. May iba na nagsasabi na kaunti lamang ang nabigyan ng forms. May nagsabi naman na hindi ng lahat ng nabigyan ng forms ay may matatanggap. May mga nagdala sa kanila ng forms sa mga distribution points at nabigla na sa halip na magbigyan, pipila sila sa init, ng halos walang social distancing, sa mahabang panahon, para malaman lamang na ang unang pila pala ay verification muna. May mga umuwing masaya, pero marami rin ang umuwing malungkot, pero umaasa na may matatanggap kinabukasan.
Kapanalig, wala man sa intensyon ang mga nakakapanlumong pangyayaring ito, nakakasakit ito ng damdamin sa maralitang dapang-dapa na sa kahirapan. Ang karapatan ng mamamayan ayon sa batas ay hindi nakikilala dahil sa masalimuot na proseso ng SAP. Ang dignidad nila bilang marangal na mamamayan ay nayurakan. Kailangan bang paghintayin pa sa init ng araw at sa di maiiwasang siksikan, matapos magtiis ng gutom ng ilang linggo, ang maralitang naghahanap lamang ng paraan upang mabuhay sa gitna ng pandemyang ito? Walang bang ibang mas makataong paraan?
Ang Gaudium et Spes, bahagi ng panlipunang turo ng Simbahan ay pinagdidiinan sa atin: Galangin natin ang tao. Huwag natin gayahin ang mayamang nagmaltrato sa pulubing si Lazaro, na naghintay na lamang ng tira-tira mula sa hapag ng mayaman, hanggang siya ay mamatay, dahil hindi siya binigyan. Minsan, kahit tama ang proseso o hindi ito labag batas, hindi nangangahulugang makatao ito. Sa panahon ng krisis, ang pinakamaliit na magagawa natin sa ating kapwa ay itrato sila gaya ng pagtrato natin sa ating sarili o kaanak. Ang pamahalaan at mga kawani nito, ang dapat unang magpakita ng ginintuang ehemplo na ito.
-Fr. Anton Pascual