HALOS kasabay ng pagpapatupad ng Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) sa National Capital Region (NCR) at sa iba pang kalapit na mga lalawigan, lumutang din ang magkakasalungat na pananaw hinggil sa palubhang problema sa COVID-19 pandemic. Higit na nakararami ang pumapanig -- at may iba’t ibang sektor din ng sambayanan ang matinding tumutuligsa -- sa bagong direktibang ito ng Duterte administration.
Ang naturang mga pananaw ay pinaniniwalaan kong nakaangkla sa kawalan ng kasiyahan ng ilang sektor. Sabi nga ng mga Kano: Damn if you do, damn if you don’t. Kasing-kahulugan yata ito ng ‘sala sa lamig, sala sa init’. Maaaring dahilan din ito ng kakulangan nila ng kaalaman sa tunay na kahulugan ng buhay at hanapbuhay. Ibig sabihin, maaaring higit na makabuluhan sa kanila ang mapagkakakitaan kaysa sa kaligtasan ng buhay.
Ang muling pagpapairal ng MECQ sa nabanggit na mga lugar ay walang pag-aatubiling pinagtibay ni Pangulong Duterte bilang tugon sa panawagan ng ating mga healthcare frontliners; mistulang humiling sila ng ‘timeout’ sa kanilang pangangalaga sa ating mga kababayang dinapuan ng nakamamatay na coronavirus. Naniniwala ako na matindi ang kanilang pangangailangan upang kahit paano ay makapagpahinga sa kanilang makataong misyon -- sa kanilang pagsuong sa hindi-birong panganib upang mailigtas din sa panganib ang mga pasyente.
Idagdag pa rito ang nakapanlulumong situwasyon na sinapit ng naturang mga health frontliners -- mga doktor, narses, at iba pang medical personnel -- na ang ilan ay binawian ng buhay at may mga COVID-19 positive na kasalukuyang nagpapagaling. Hindi nila alintana ang halos magdamag na pag-aasikaso sa mga maysakit na natitiyak kong nais nilang lumawig ang buhay. Maliwanag na ang gayong mga pagsasakripisyo ang naging batayan ng pamahalaan upang ipamalas naman sa ating mga frontliners ang angkop na pagpapahalaga sa kanilang misyon.
Kabaligtaran naman ito ng pananaw ng mga kritiko ng administrasyon na laging nagbibigay-diin sa inaakala nilang kawalan ng makatuturang patakaran upang mabawasan kundi man ganap na malipol ang coronavirus. Nakalundo ang kanilang pagtuligsa sa pagpapabuti ng kabuhayan ng sambayanan sa kabila ng matinding banta ng COVID-19; kabilang dito ang matinding paghihirap ng sambayanan dahil sa kawalan ng hanapbuhay at ng iba pang mapagkakakitaan.
Hindi naman kataka-taka ang gayong mga pagbatikos ng mga kritiko. Wala akong nakitang administrasyon na hindi tinuligsa ng oposisyon; wala silang nakikitang mabuting nagawa ng sinumang nanunungkulan sa ating bansa.
Anuman ang paninindigan ng iba’t ibang panig, naniniwala ako na ang muling pagpapairal ng MECQ ay dapat sabay na ituon sa pangangalaga sa buhay ng mga pasyente at sa pagkakaloob ng kabuhayan o hanapbuhay sa ating mga kababayan.
-Celo Lagmay