BIYERNES ng hapon, huling araw sa buwan ng Hulyo at 11 taon na ngayon ang nakararaan, nag-ring ang aking cellphone at ang tawag ay mula sa isa kong kaibigan na trusted aide ni President Corazon “Tita Cory” Aquino. Isa siya sa mga nagbabantay sa dating pangulo na noo’y nakaratay sa Makati Medical Center (MMC) dahil sa sakit na cancer.
Sabi nito: “Koyang Dave, mag-off muna ako ng cellphone, call or text na lang kita mamya…nakakalungkot pero baka ito na!”
Ang nasa kabilang linya na agad nagpatay ng cellphone ay si P/Cpl Jimmy Castro, mas kilala sa alias na “Caster” ng mga reporter na nagko-cover sa Malacañang beat.
Nasakyan ko agad ang gusto niyang ipahiwatig, kaya habang papalapit na ang hatinggabi, ‘di na ako mapakali sa pag-aabang ng text o tawag mula kay Caster.
Duty ako noon sa GMA newsdesk bilang senior news editor, kaya para sa akin napaka-importante ang laman ng anumang ibabalita ni Caster hinggil kay Tita Cory, lalo na para sa mga kababayan nating nagpunta sa EDSA noong Pebrero 22 – 25, 1986 at nakipaglaban na mabalik sa bansa ang ninakaw na demokrasya, sa pamamagitan ng makasaysayang “bloodless revolution”.
Nga pala, ‘di basta-basta aide lamang ni Tita Cory si Caster. Siya ang tinatawag na “food tester” sa Palasyo, ang tanging presidential aide na makapipigil sa pangulo na ‘wag isubo ang anumang pagkain o inumin na gusto nito.
Nang matapos ang term ni Tita Cory noong 1992, balik bilang intel operative na pulis si Caster, kaya muling napadalas ang aming pagkikita, lalo pa’t may malaking tina-trabaho ang grupo niya.
Ang siste, nang mapabalita na nakaratay sa MMC si Tita Cory dahil sa malubhang sakit, nagtaka ako dahil parang bantulot si Caster. ‘Di siya makapagpasiya kung pupunta sa ospital para boluntaryong magbantay sa dating pangulo na pinagsilbihan niya ng halos anim na taon sa Malacañang.
Nagdadalawang-isip siya dahil baka makaapekto sa trabaho niya sa ilalim ng bagong administrasyon, ang gagawin niyang pagpunta sa ospital.
Naiintindihan ko si Caster – ‘yan ang kalakaran sa pulis at militar. Kailangan ’di ka pagdudahan, at buo ang tiwala s’yo ng boss at kasamahan, para manatili sa trabahong nakagamayan mo na.
Sa pagtatapos ng aming kuwentuhan, medyo kinunsiyensya ko si Caster: “Matitiis mo ba pards na ‘di makita man lang sa huling sandali niya si Tita Cory?”
Makaraan lang ang halos dalawang linggo, tinawagan ako ni Caster para magkita kami sa lobby ng MMC. Dumiretso pala siya sa ospital matapos kaming mag-usap at ‘di na siya nakauwi mula noon.
Nag-meet kami sa parking area ng ospital at pumanhik sa 9th Floor, nagkuwentuhan sa Chapel na ‘di kalayuan sa Room - 920 na may unipormadong guwardiya. Sa pintuan nito, may nakapaskil na NO VISITORS ALLOWED.
Dito kasi nakaratay si Tita Cory na ayon kay Caster, ilang araw rin na tila nawawala sa wisyo. Sa kabila ng ganitong kalagayan, kinakitaan pa rin ito ng labis na pag-aalala sa mga aide na salit-salit sa pagbabantay sa loob ng kuwarto.
“Kausap ko si Tita Cory kanina, parang namamaalam na siya, ‘di ko kinaya Koyang Dave,” ani Caster na nangingilid ang luha sa mga mata.
Bago ako bumaba ay pumitik muna ako ng ilang litrato at dumiretso sa lobby, kung saan nakatambay ang mga kasamahan ko sa media – pero di nila ako napansin -- na ilang araw na ring nagbabantay sa naturang lugar.
Ganap na 3:26 ng madaling araw, Agosto 1, 2009 nang matanggap ko ang text ni Caster: “Tapos na trabaho ko Kuya Dave – wala na siya.”
Tinawagan ko si Caster pero naka-off na ang cellphone niya.
Madaling araw pa lamang ay namamayagpag na sa airwaves ang GMA7 sa breaking news hinggil sa pagpanaw ni Tita Cory, ang tinaguriang “Ina ng Demokrasya” sa ating bansa.
Ang ibang istasyon, tulog sa pansitan – naka sign off pa -- ng mga oras na iyon.
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]