HALOS kasabay na nadama ng mga magsasaka sa buong kapuluan -- kabilang na ang mga kapuwa magbubukid sa Nueva Ecija -- ang kambal na biyaya tungo sa ibayong pagsulong ng produksiyon ng palay at iba pang pananim. Ang naturang mga benepisyo ay pinausad ng gobyerno sa kabila ng nappipintong mga bagyo at iba pang kalamidad na laging nanalasa sa ating mga bukirin; lalo na ngayon na nagparamdam na ang mga kalamidad na bahagi ng mahigit na 20 bagyo na namiminsala sa bansa taon-taon.
Unang tinamasa ng mga magbubukid ang panimulang 2 bilyong pisong halaga ng makabagong makinarya sa pagsasaka. Sa pamamahala ng Department of Agriculture (DA), iniulat na ito ay namahagi rin ng libu-libong sako ng inbred at hybrid rice seeds sa libu-libo ring mga magsasaka sa halos lahat ng lalawigan sa kapuluan. Kaakibat ito ng pagkakaloob ng iba pang kaluwagan sa mga magsasaka na laging tinataguriang ‘backbone of the nation’ o gulugod ng bansa.
Nakalulugod mabatid na kamakailan, hindi lamang ang aming lalawigan kundi ang iba pang probinsiya ang tumanggap ng mga farm machineries mula sa Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization ng DA. Bahagi ito ng mechanization component ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF), isang programa na magpapasigasig sa mga magbubukid upang lalong tumaas ang kanilang ani.
Kabilang sa ating mga kabarangay ang tumanggap ng makabagong makinarya, tulad ng four-wheeled tractor, rice combine harvesters, rice reapers, walk-behind transplanters, at iba pa.
Sa kanyang panig, ipinahiwatig naman ni DA Secretary William Dar sa mga magsasaka, sa mga opisyal ng DA at iba pang panauhin: Binabati natin ang mga magbubukid na tumanggap ng dose-dosenang farm machinery; makasaysayan ang okasyong ito na sumasagisag sa ating adhikain tungo sa pagsulong ng sapat na produksiyon at pagpapaunlad ng rice industry.
Kahawig din ito ng pahiwatig ni NE Governor Aurelio Umali na isa sa mga sumaksi sa naturang makabuluhang okasyon. Pahiwatig niya: Ang naturang makabagong mga makinarya ay magiging susi sa pananatili ng ating lalawigan bilang rice granary ng bansa. Naniniwala ako na ang gayong pahiwatig ay tumagos sa pangangailangan ng ating mga kababayang magsasaka, lalo na sa aming bayan sa Zaragoza.
Sa isa pang makasaysayan at makabuluhan ding pagsisikap, pinamahalaan naman ng PhilRice ang pamamahagi ng libu-libong sako ng inbred at hybrid rice seeds sa libu-libong magsasaka sa 53 lalawigan. Kabilang dito ang sako-sako ring abono na kailangan ng mga magbubukid bilang paghahanda sa susunod na sakahan o cropping season.
Ang naturang ahensiya ng gobyerno na nasa ilalim din ng DA ay patuloy na sumasaklolo sa pangangailangan ng mga magbubukid bilang pagtalima sa direktiba ni Secretary Dar. Magugunita na ang naturang utos ay bahagi naman ng mga direktiba rin ng Duterte administration na may pangunahing layuning pagkalooban ng.pangunahing pangangailangan ang mga magsasaka upang matamo ng bansa ang sapat na ani at pagkain.
Sa gayon, hindi malayo na maiiwasan na ang pag-angkat ng bigas sa mga kalapit na bansa. At lalong hindi malayo na mabaligtad ang situwasyon. Ibig sabihin, ang Piliinas naman ang magluluwas ng bigas sa nasabing mga bansa, tulad ng Thailand, Vietnam, Indonesia at iba pa.
Sa kabila ng ipinamahaging mga biyaya, mahalagang ipagunita sa DA na ang gayong mga pagsisikap ay mapanatili sanang walang bahid ng mga alingasngas, tulad ng pinalulutang ng ilang sektor ng mga lider ng magsasaka.
-Celo Lagmay