PALIBHASA’Y laging sinasagilihan ng matinding agam-agam dahil sa tila hindi tumitigil na pagdami ng mga dinadapuan ng nakamamatay ng COVID-19, ikinatuwa ko ang panukalang bahay-bahay ng paghahanap ng mga positibo sa naturang sakit o pandemya. Ang nasabing may mga karamdaman -- batay sa mga impormasyong magmumula sa Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of Health (DOH) -- ay dadalhin sa mga quarantine ward upang lapatan ng lunas.
Nakadidismayang mabatid na ang nabanggit na plano ay kaagad tinuligsa at tinutulan ng mga kritiko ng Duterte administration. Umugong ang mistulang sigaw ng iba’t ibang sektor, kabilang na ang ilang mambabatas: No Warrant, No Entry. Ibig sabihin, walang sinumang makapapasok sa mga bahay-bahay kung walang legal na utos ang hukuman. Ang naturang pahayag ay hindi kaya produkto ng hindi pinag-isipang interpretasyon?
Gusto kong maniwala na nasa likod ng utak ng naturang mga kritiko ang Oplan Tokhang na isinasagawa ng mga alagad ng batas kaugnay ng paglipol sa illegal drugs -- sa pagdakip sa mga users, pushers at drug lords; isang operasyon na humahantong sa kamatayan ng mga sugapa sa bawal na droga lalo na kung ang mga ito ay sinasabing nanlaban.
Hindi malayo na ang nabanggit na mga kritiko ay minumulto pa, wika nga, ng bangungot ng martial law nang ang pinaghihinalaang mga kalaban ng nasabing rehimen ay walang patumanggang inaaresto at ikinukulong. Hindi nakaligtas sa gayong panggigipit ang ating mga kapatid sa pamamahayag na ang ilan ay dinukot at hindi na lumitaw.
Naniniwala ako na ang ipatutupad na paghahanap ng mga COVID-19 positive sa mga bahay-bahay ay taliwas sa interpretasyon ng ilang mambabatas. Iba ang papel o tungkuling gagampanan ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) at ng ating mga frontliners o health workers. Ang mga pulis ang magiging kaagapay at magbibigay ng proteksiyon sa mga health frontliners sa pagsundo sa mga may karamdaman na kaagad namang dadalhin sa mga quarantine facilities na ipinatayo ng gobyerno. Ibig sabihin walang magaganap na basta na lamang pagpasok sa mga bahay-bahay.
Ang mga COVID-19 positive ay mananatili sa naturang mga ward sa loob ng 14 na araw at pangangalagaan ng mga doktor at nars. Kumpleto sa pasilidad ang naturang mga quarantine wards -- palikuran, hospital bed, bentilador at iba pa. Pagkatapos ng 14-day quarantine period, kasunod ng kanilang paggaling sa karamdaman, mistulang isang graduwasyon ang idaraos bago sila ihatid sa kanilang mga tahanan.
Kitang-kita ko ang lohika sa nabanggit na plano na naglalayong mabawasan ang pagdami ng COVID-19 positive. Taliwas kaya ito sa pang-unawa ng nabanggit na mga kritiko na maaaring nalulugod pa sa pagdagsa ng mga dinadapuan ng nakakikilabot na coronavirus?
-Celo Lagmay