SA biglang pag-uwi ng ating mga kababayang Overseas Filipino Workers (OFWs) dahil sa matinding banta ng nakamamatay na COVID-19 pandemic, naniniwala ako na bigla rin nilang nadama na sila ay nakayapak sa krus na landas, wika nga. Ibig sabihin, nais nilang itanong sa sarili: Babalik pa kaya kami o hindi na?
Totoo na ang libu-libong OFWs na nakabalik sa bansa ay mistulang nasa crossroad ngayon. Hindi gayon kadali na magpasiya sa kanilang magiging kapalaran sa panahon na ang halos lahat ng bansa ay ginigiyagis ng nakakikilabot na coronavirus; kabilang na rito ang iba’t ibang teritoryo sa Middle East na kanilang pinanggalingan.
Naging sagana ang kanilang pamumuhay sa kanilang pamamasukan sa ibang bansa; sapat ang kanilang kinita at maaring kitain para sa kanilang sarili at sa kanilang mga mahal sa buhay. Katunayan, ang malaking bahagi ng milyun-milyong dolyar na ipinadadala nila sa Pilipinas ay nakatulong nang malaki sa pagpapaangat ng kung minsan ay nakalugmok na ekonomiya ng ating bansa. Dahil dito, sila ay tinaguriang mga buhay na bayani.
Gayunman, natitiyak ko na marami sa kanila ang mananatili na lamang sa bansa upang dito mamasukan; upang pumalaot sa iba’t ibang larangan ng pagnenegosyo. Hindi malayo na sila ay hindi na bumalik sa bansa na kanilang pinanggalingan, lalo na kung iisipin na maraming OFWs ang dinapuan ng COVID-19; ang ilan sa mga ito ay pumanaw at hindi pa naiuuwi ang mga bangkay.
Ang aming mga kamag-anak na OFWs, halimbawa, ay tandisang nagpasiya na mananatili na lamang sa aming lalawigan sa Nueva Ecija upang humanap ng mapagkakakitaan. Palibhasa’y nagmula sa angkan ng mga magsasaka, kaagad nilang sinunggaban, wika nga, ang magandang oportunidad na nagkataong inilatag ng gobyerno kaugnay nga ng programa nito upang makatulong sa OFWs at sa iba pang kababayan natin na naghahanap ng negosyo. Sa pamamagitan ng Department of Agriculture (DA), inilunsad ang agri-business na kinapapalooban ng pagnenegosyo ng produkto ng mga magsasaka at mangingisda.
Sa pamamagitan ng Agricultural Credit Policy Council (ACPC) na isang ahensiya sa ilalim ng DA, ang mga OFWs ay makakautang ng 10 milyong piso na walang patubo o interes; ito ay babayaran sa loob ng mahabang panahon. Ang puhunan ay maaring iukol sa iba’t ibang estratehiya ng pagnenegosyo na tulad ng pag-aalaga ng baboy, manok at pagtatanim ng mga gulay at namumungang punongkahoy. Maaari rin silang magtayo ng mga food-processing plant para sa mga produktong pang-agrikultura at pangingisda.
Ilan lamang ito sa mga kaluwagang tatamasahin ng mga OFWs hindi lamang sa panahon ng matinding banta ng COVID-19 kundi sa lahat ng panahon ng kanilang pananatili sa bansang kanilang sinilangan
-Celo Lagmay