SA botong 70-11-2-1, ibinasura ng Committee on Legislative Franchises and Good Governance ng Kamara ang matagal nang nakabimbing panukalang batas ng ABS-CBN franchise. Ang isyung pinagbotohan ay kung dapat tanggihan ang aplikasyon ng ABS-CBN na magkaroon ng panibagong prangkisa na lalawig ng 25 taon. Ang 70 mambabatas ay bumoto ng “yes”, 11 ang “no”, 2 ang nag-abstain at 1 ang hindi bumoto. Pagkatapos na mabilang ang mga boto, idineklara ni Franchise Committee Chairman Franz Alvarez na ang isyu ng pagbibigay ng prangkisa sa giant network ay “laid on the table.” Ayon kay Anakalusugan Rep. Michael Defensor, nang ipaliwanag niya ang kahulugan ng deklarasyon ni Alvarez, ito ay nangangahulugan na ang franchise application ay pinatay. Ito talaga ang magaganap nang lumabas na si Sen. Dela Rosa bago magbotohan at pinaghahanap na ng bagong trabaho ang mga empleyado ng ABS-CBN. Isinama ng administrasyon ang ABS-CBN sa mga tinokhang nito at dahil sa kanyang kapabayaan ay pinatay ng pandemic.
Noon pa naman ay mistulang nasama na ang ABS-CBN sa narcolist ng Pangulo. Kung pinagbuntunan ng galit ng Pangulo si Chief Justice Lourdes Sereno dahil nakialam ito sa pagpapatupad ng kanyang war on drugs kaya siya na-quo-warranto, isa rin ito sa dahilan kung bakit kinamuhian ng Pangulo ang ABS-CBN. Kasi, ang araw-araw na pagpatay noong lubusang pairalin ang war on drugs ay hindi pinalagpas nito sa kanyang mga ulat sa bayan lalo na nang marami na ang mga napaslang sa loob lamang ng isang araw.
“Hindi maganda ang ibibigay ng pagkakait ng prangkisa sa ABS-CBN sa kalayaan sa pamamahayag at demokrasya,” wika ni Sen. Sonny Angara. Tama siya at mali sina Speaker Alan Peter Cayetano, Partylist Rep. Marcoleta at kapwa nila na ipinangagalandakan na walang kaugnayan ang press freedom sa usapin ng ABS-CBN application para sa panibagong prangkisa. Kaya nga may broadcast media at print media ay dahil tayo ay demokratikong bansa na ang mamamayan ay may mga batayang karapatan. May Saligang Batas man o wala na naggagarantiya ng mga karapatang ito, sa isang malaya at demokratikong bansa tulad natin, ang mga ito ay kasama nang isilang ang tao. Isa nga rito ay ang malayang magpahayag at nagagamit nila ito dahil may media. Kaya, nang pagkaitan ng prangkisa ang ABS-CBN sinagkaan ang karapatan ng taumbayan na mamamahayag dahil inalisan sila ng paraan para itaguyod ang isang adbokasiya. Higit sa lahat, inalisan mo sila ng epektibong armas laban sa mga abuso ng gobyerno.
Pero, may iba namang estasyon ng telebisyon at radyo na puwedeng tunguhan at gamitin, ayon sa mga sumasang-ayon na pagkaitan ng prangkisa ang ABS-CBN. Pero, ang naaabot ba ng ABS-CBN sa kanyang brodkast ay naaabot din ba ng iba? Ang balita at impormasyon nito ay tulad ba ng iba? Sa demokrasya, higit na maganda ang maraming balita at impormasyon na naipapaabot sa mamamayan lalo na kung magkakasalungat ang mga ito para magabayan sila sa pagganap nila ng kanilang tungkulin bilang bahagi ng sibilisadong lipunan.
-Ric Valmonte