Hiniling ni Puwersa ng Bayaning Atleta (PBA) Partylist Rep. Jericho Nograles sa pangasiwaan ng Grab Philippines na tulungan ang aabot sa 60,000 driver nito nang hindi makabayad sa buwanang amortizations ng kanilang sasakyan bunsod na rin ng Enhanced Community Quarantine sa bansa, noong Marso.

Aniya, dapat makipag-usap ang Grab sa car dealerships at auto-loan companies na hindi muna maningil sa mahigit tatlong buwan na saklaw ng ECQ at suspendin ang lahat ng foreclosures sa kanilang partner-drivers.

Maaari rin aniyang ang Grab Philippines muna ang magbayad nang advance upang maibalik ang unpaid loans ng mga driver-partner na basta na lamang iniwan kahit walang maipamahaging livelihood dahil na rin sa nasabing virus.

Karamihan sa nasabing driver-partners ng Grab ay nagbabayad pa ng monthly amortizations pero natigil naman sila sa pamamasada.

National

‘Life-threatening conditions’ nagpapatuloy sa ilang bahagi ng Luzon dahil kay Marce – PAGASA

“Nakikiusap po ako sa Grab na bigyan ng kalinga itong kanilang driver-partners. Marami sa kanila ngayon ang problemado na maaaring mabawi ang kanilang mga sasakyan dahil hindi nila ma-update ang payment sa kanilang mga loans. Kung maaari ay makipag-usap ang Grab sa ating mga bangko at sa mga car dealer para matigil muna pansamantala ang kanilang paniningil at huwag munang ilitin ang mga sasakyan kapag hindi sila nakapagbayad,” apela pa ng kongresista.

-Bert de Guzman