MULA sa pagkalinlang sa paggamit ng mga nakalalasong “lunas”, pagsaksi sa pagbagsak ng mga negosyo, at pag-iwas sa mga nakapagsasalbang medikasyon, dumaranas ang mga tao sa matinding epekto ng pagdagsa ng online virus misinformation.
Habang patuloy na dumarami ang namamatay sa new coronavirus na umabot na sa mahigit 20,000 katao, dahilan ng lalong pagbagsak ng merkado at pagkukumahog ng mga siyentista na makahanap ng lunas, dagsa rin at lumalaganap ang mga tsismis at maling impormasyon na napapalawak ng pagkabahala at matinding pagdurusa ng ekonomiya.
Kalunos-lunos ang maaaring epekto nito—sa Iran, isa sa bansang pinakamatinding tinamaan ng virus, higit 210 katao ang namatay mula sa pag-inom ng nakalalasong alcohol matapos kumalat online na maaari itong makalunas at makatanggal ng COVID-19, iniulat ng Irna news agency.
Una nang pinabulaanan at patuloy na nilalabanan ng AFP ang mga kumakalat na mapanganib na pekeng mga lunas, tulad ng pagkonsumo ng abo ng bulkan at paglaban sa impeksyon gamit ang mga UV lamps o chlorine disinfectants, na ayon sa mga awtoridad pangkalusugan ay maaaring magdulot ng panganib sa katawan kung mali ang paggamit.
Isang remedyo na “nakamamatay umano ng coronavirus”, ayon sa isang misleading social media post, ay ang pag-inom ng silver particles sa isang likido, na tinatawag na colloidal silver.
Ang pag-inom ng nasabing likido ay maaaring makapagdulot ng skin discoloration at mahinang pag-epekto ng pag-inom ng mga gamot tulad ng antibiotics, ayon sa US National Institutes of Health.
Isa rin ang cocaine at bleck-like solution sa kumakalat na pekeng lunas sa online.
“No, cocaine does NOT protect against #COVID-19,” tweet ng French government bilang tugon sa kumakalat na impormasyon.
EPEKTO SA NEGOSYO
Habang iba’t ibang supermarket ang nagkakaubusan na ng paninda, ilang Indian traders at farmers ang may kabaligtarang problema – iniiwasan ng mga tao ang kanilang produkto dahil sa maling impormasyon.
Ilang retailers sa Delhi ang nagbahagi sa AFP na nagtabi na sila ng mga produktong Chinese tulad ng mga toy guns, wigs at iba pang makukulay na kagamitan para sa nakatakdang pagdiriwang ng Holi festival ngayong buwan.
Ngunit “misinformation about Chinese products -- that they might transmit coronavirus -- caused a downfall in the sales of Holi goods. We witnessed a reduction in sales of around 40 percent compared to previous year”, pagbabahagi ni Vipin Nijhawan mula sa Toy Association ng India.
Una nang nilinaw ng World Health Organization na hindi tumatagal ang virus sa mga walang buhay, kaya naman imposibleng makontamina ng virus ang mga produktong inaangkat.
Nangangahulugan na ang mabilis na pagkalat ng impormasyon online, na habang hindi pa natatalakay ng mga siyentista ang mga ‘di napatunayang mga teorya, patuloy na magbabakasakali ang mga nangangambang tao sa mga impormasyong kumakalat.
AFP