Nakapanlulumong masaksihan na sa kabila ng tila hindi humuhupang agamagam at panganib na likha ng COVID-19, nasasaksihan pa rin natin ang manaka-naka subalit masakim na pagnenegosyo ng ating mga kababayan. Sa kabila ito ng mahihigpit na babala ng gobyerno laban sa overpricing at hoarding ng pangunahing mga pangangailangan ng sambayanan. Ibig sabihin, may ilang negosyante na nagpapataw ng dagdag na presyo sa kanilang mga paninda; ang ilan naman ay sinasabing nagtatago ng mga bilihin at saka ibinebenta sa mataas na halaga.
Lalong nakapanlulumo ang aming pagpila sa isang pamilihan upang mabigo lamang na makabili ng isang bote ng alcohol na lubhang kailangan ngayon sa kasagsagan ng krisis sa COVID-19. Pati ang face mask ay mistulang ikinubli sa mga mamimili; kung mayroon man, ang halaga nito halos doble-doble ang itinaas kaysa dating mababang presyo nito na nakabibigat sa lukbutan ng sambayanan, lalo na ng mga maralita na kailangan ding maging maingat sa panganib ng naturang sakit.
Isipin na lamang na dahil sa talamak na panic buying, halos masaid sa pangunahing bilihin -- kape, asukal, de-lata at iba pa -- ang mga estante ng mga pamilihan, kabilang na ang mga malls. Halos tira-tirahan na lamang na mga paninda ang pinagtiyagaan ng mga customer.
Maliwanag na ito ang dahilan kung bakit minsang binalaan ni Pangulong Duterte ang mga negosyante na maaaring pasimuno sa overpricing at hoarding ng mga bilihin; kaakibat nito ang pagpapataw ng angkop na parusa sa mga kasangkot sa masakim na pagnenegosyo.
Sa kabila ng gayong nakadidismayang sistema sa pamilihan, pinawi ng Pangulo ang pag-aalala ng ating mga kababayan sa paniniyak na ang gobyerno ay may sapat na salapi at sapat na food supply, lalo na ngayong may krisis. Maging ang iba’t ibang kagawaran ng pamahalaan ay nagpahayag ng kahandaan sa pagsaklolo sa taumbayan.
Mahigpit ang mga patakaran na ipinatutupad ng Department of Trade and Industry (DTI), halimbawa, upang maagapan ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Maging ang Department of Health (DOH) ay naglatag na rin ng mahihigpit na tagubilin upang mapangalagaan ang sambayanan laban sa pagpapataw ng dagdag presyo sa mga medisina.
Tiniyak naman ni Secretary William Dar ang tuluy-tuloy na paghahatid ng mga produktong agrikultural sa iba’t ibang pamilihan sa kapuluan; hindi ito dapat mabalam dahil lamang sa mahihigpit na patakaran sa checkpoint. Bukod sa pagkakaroon ng sapat na food supply -- gulay, isda, karne, kabilang na ang bigas -- tiniyak din ni Dar ang mababa at makatuwirang presyo ng naturang mga bilihin.
Sa kabila ng gayong mga paniniyak, marapat ding tiyakin ng Duterte administration ang implementasyon ng mabigat subalit angkop na parusa sa itinuturing na masasakim na negosyante, lalo na ngayon na tayo lahat ay mistulang nakikipagdigmaan sa COVID-19.
-Celo Lagmay