SA kabila ng katakut-takot na mga estratehiya upang mabawasan kundi man ganap na masugpo ang paglaganap at pamiminsala ng mga sakit na taglay ng mga hayop, naroroon pa rin ang mga panganib na hatid ng tinatawag nila na animal-borne diseases (ABD) -- tulad nga ng African Swine Fever (ASF). Hanggang ngayon, ang naturang mga sakit ng ating mga alagang baboy ay panaka-naka pa ring nagbibigay-panganib sa maliliit at malalaking hog raisers -- kabilang na ang mga nag-aalaga ng baboy sa mga likod-bahay o backyard hog raisers.
Natitiyak ko na ito ang dahilan ng paglagda ni Pangulong Duterte ng Executive Order No. 105 na lumilikha ng National Task Force on Animal-borne Diseases (NTFAD). Pangunahing misyon nito na bumalangkas ng mga patakaran na naglalayong mahadlangan ang pagpasok sa ating bansa ng ABD, tulad nga ng ASF. Nakapanlulumong mabatid na ang nabanggit na mga sakit ay nagdulot at nagdudulot ng catastrophic effect o matinding kapahamakan sa ating hog industry at sa mismong pamumuhay ng mga nag-aalaga ng baboy.
Isipin na lamang na libu-libong mga alagang baboy sa iba’t ibang panig ng kapuluan ang kinailangang katayin at ilibing upang maiwasan ang pagkalat ng mapanganib na sakit. Sa kabila nito, tiniyak ng Department of Agriculture (DA) na kontrolado nito ang naturang situwasyon. Kaakibat ito ng paniniyak na ang karne ng baboy na apektado ng ASF ay ligtas na kainin. Isa pa, tiniyak nito na hindi isang malaking kabawasan sa ating P250 billion hog industry; at maging sa 12.8 milyong populasyon ng baboy sa ating bansa.
Ang naturang NTFAD ay pinamumunuan ng DA Secretary bilang chairman at Department of Health (DOH) Secretary bilang vice-chairman. Halos lahat ng miyembro ng Gabinete ang magiging miyembro, bukod pa sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno. Maging ang mga pribadong sektor ay marapat ding maging katuwang sa makabuluhang misyon nito upang ganap na mahadlangan ang paglaganap ng naturang sakit.
Bukod sa mga utos at patakaran na nailatag na ng pamahalaan, sa pamamagitan ng DA, kabilang din sa tungkulin ng NTFAD ang pagbalangkas ng mga reglamento laban sa panganib ng ABD na maaaring dumapo sa iba pang alaga nating hayop. Maaaring kabilang na rin dito ang Avian flu na pumipinsala naman sa ating mga manukan.
Bukod sa puwersa na ibinuhos ng NTFAD laban sa sakit ng mga hayop, marapat ding magbuhos ng puwersa ang iba’t ibang sektor upang mahadlangan ang pagpasok sa ating bansa ng ABD at iba pang karamdaman tulad ng kinatatakutang 2019 coronavirus disease o COVID-19.
-Celo Lagmay